MANILA, Philippines- Arestado ang isang dating pulis na sangkot sa pagnanakaw sa Imus, Cavite noong 2023 sa Lucena, Quezon, base sa Philippine National Police (PNP) nitong Lunes.
Sa isang press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na anim pang sinibak na pulis ang tinutugis.
Kinilala ng opisyal ang nadakip na dating pulis na si Reymel Czar Reyes.
“So out of the eight na pinangalanan sa warrants of arrest, isa po ang naaresto doon ng [Criminal Investigation and Detection Group] sa Lucena at kasalukuyan pong nakakulong. At ang isa po doon, nag-iisang babae ay nakapagbail na po. So anim na lang po yung hinahanap ngayon,” ani Fajardo.
Ninakawan umano ng dating mga pulis ang bahay ng isang 67-anyos na nagngangalang Rebecca Caoile, dating propesor, sa Barangay Alapan 1-A sa umano’y buy-bust operation noong Agosto 2023.
Makikita sa CCTV footage na may dalang kagamitan ang mga pulis mula sa bahay kabilang ang gulong at motorcycle rim. Sinabi ng anak ni Caoile na kinuha rin ng mga pulis ang kanyang ipon na nagkakahalaga ng P80,000, kanyang laptop, at tools.
Walang search warrant o arrest warrant para sa operasyon ang mga sangkot na pulis, batay sa PNP.
Naghain na ng reklamong robbery at extortion laban sa dating mga pulis. RNT/SA