MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes na kabilang ang isang 14-araw na sanggol sa 636 biktima ng child exploitation na nasagip sa police operations mula noong 2022.
“Meron din po tayong na-rescue na 14-day old na bata naman na binebenta naman online at nilalako for adoption po. May nahuli din po tayo dyan na mga suspect at nakakulong na po,” pahayag ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo sa isang press briefing nitong Lunes.
Bukod dito, sinabi ni Fajardo na isa namang apat na buwang sanggol ang nasaklolohan sa isa pang police operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa ina at tiyahin nito.
Binanggit ni Fajardo na ang age group na may pinakamaraming bilang ng nasagip na biktima ay sa pagitan ng 15 hanggang 19 taong gulang sa 201 biktima, sinundan ng 10 hanggang 14 taong gulang sa 193 at lima hanggang siyam na taong gulang sa 114.
Mula 2022, nagsagawa ang PNP ng 307 operasyon target ang mga krimeng may kaugnayan sa online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC), na nagresulta sa pagkakaaresto sa 167 suspek, paghahain ng 218 kaso at 12 convictions.
Pinuri ni PNP chief Police General Rommel Marbil ang pagsisikap ng Women and Children Protection Center (WCPC) maging ng Anti-Cybercrime Group (ACG) sa pagsagip sa mga biktima at paghuli sa mga salarin.
“AI-powered tools are transforming the way we solve crimes and rescue victims, especially in cases involving the dark web. These technologies enable us to analyze vast amounts of data, identify suspects with greater precision, and swiftly respond to emerging threats,” aniya pa. RNT/SA