MANILA, Philippines- Kinumpirma ni dating Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez na nakatakda siyang bumalik bilang chief of staff ni incoming Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.
Napag-alaman kay Chavez na noong Pebrero 25 nang magkausap sila ni Domagoso at sinabihan na sa Maynila na lamang sila.
“Before the start of the local campaign, he told me, ‘Dito (Manila) na tayo chief. Nagagawa natin agad naiisip natin. After the election, he asked me to be his chief of staff, sabay labas ng listahan ng mga gusto niyang gawin agad,” ayon kay Chavez.
Nang tanungin kung bakit niya tinanggap ang alok na bumalik sa serbisyo ng lokal na pamahalaan pagkatapos nitong manilbihan bilang Cabinet Secretary, sinabi ni Chavez: “Foresight and executive ability at decisiveness ni Yorme. Diyan ako inspired.”
Si Chavez na nagtrabaho rin bilang radio broadcaster ay unang nagsilbi bilang chief of staff ni Domagoso noong 2019, nang talunin ng batang alkalde si dating Pangulong Joseph Estrada sa karera ng pagka-alkalde ng kabisera ng lungsod.
Matatandaang noong Oktubre 2021, habang naghahanda si Domagoso para sa kanyang presidential bid sa 2022 national elections ay nagbitiw si Chavez sa kanyang pwesto, at sinabing tinanggap niya ang alok na maging executive ng Manila Broadcasting Company.
Matapos manalo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagka-pangulo, kalaunan ay hinirang si Chavez sa Department of Transportation bilang Undersecretary for Rails.
Noong Disyembre 2023 ay hinirang naman siya bilang Presidential Assistant for Strategic Communications.
Noong Setyembre 2024 ay itinalaga si Chavez bilang Officer in charge ng Presidential Communications Office, ngunit nagbitiw sa pwesto pagkatapos ng limang buwan, dahil sa kadahilanang hindi umano nito naabot kung ano ang inaasahan sa kanya ng Pangulo.
Hindi nagbigay ng partikular na insidente si Chavez kung bakit naramdaman niyang nabigo siyang maabot ang ilang mga target, ngunit nagbigay siya ng mensahe na “will leave with the same enthusiasm, gratitude, and hope for a better future for the country we love.”
Kaugnay nito, sinabi ni Chavez na nakatutok si Yorme Isko sa plano nitong 10-year development plan sa Maynila,” Chavez.
“‘Yan ang malaking pagkakaiba ngayon. Mas naka-focus si Yorme sa 10-year development plan for Manila,” giit ni Chavez.
“Kailangan lahat ng Department heads and key officials ng city hall ay araw-araw ng mag-exercise bago pa ang June 30, both mentally and physically. Mukhang walang tulugan na naman ito,” ayon pa kay Chavez.
Inaasahan naman ng mga Manilenyo na muling babalik ang sigla, ganda, kaayusan, at kapanatagan sa lungsod ng Maynila sa muling pagbabalik ni Yorme Isko Moreno bilang alkalde ng kabisera ng bansa sa tulong na din ng nagbabalik nitong Chief of staff na si Cesar Chavez na puno ng karanasan sa pagbibigay serbisyo publiko. JAY Reyes