MANILA, Philippines- Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Local Water Utilities Administration (LWUA) na magsagawa ng agarang imbestigasyon hinggil sa kakapusan ng pirmihang water supply sa mga pampublikong paaralan.
Ang direktiba ay kasunod ng naging pagbisita ni Pangulong Marcos sa mga pampublikong eskwelahan sa Malolos at San Miguel, kapwa sa Bulacan, bilang bahagi ng inilunsad na “Brigada Eskwela” ng Department of Education (DepEd), araw ng Lunes.
Nagpahayag naman ng pag-aalala ang Pangulo sa mahirap na estado ng basic utilities, partikular na ang kakulangan sa water supply at malinis na bathroom o banyo, natawag ang pansin dahil sa epekto sa kapakanan ng mga estudyante at kondisyon ng mga eskwelahan.
“Ito po ay hindi simpleng aberya. Ito ay usapin ng kalinisan, ng kalusugan at ng dignidad ng ating mga estudyante,” ang sinabi ni Castro.
“Paano sila makakapag-aral nang maayos kung ang mismong eskwelahan ay kulang sa batayang serbisyo?” dagdag na wika nito.
Dahil dito, winika ni Castro na binigyan ng 48 oras ng Pangulo ang LWUA para magsumite ng initial report nito na tutukoy sa dahilan ng pagkabigo ng suplay at responsibilidad ng mga opisyal, binigyang-diin ang pagbalangkas ng mga hakbang para maibalik ang serbisyo bago pa magbukas ang klase sa susunod na linggo.
“Kaya’t malinaw ang direktiba ng Pangulo: Inaatasan ang Local Water Utilities Administration na agad magsagawa ng imbestigasyon,” ayon kay Castro.
“Sino ang may pananagutan? At paano ito ma-ibabalik bago magbukas ang klase sa susunod na linggo?” dagdag niya.
Ang LWUA ay isang government-owned and controlled corporation na may tungkulin na i-promote at pangasiwaan ang water systems sa mga lungsod at munisipalidad sa labas ng Metro Manila.
Sa kabilang dako, iginiit ng Malakanyang ang ‘urgency’ ng usaping ito, muling inulit nito na ang access sa water at sanitation ay napakahalaga sa dekalidad na edukasyon.
“Responsibilidad nating tiyakin na may maayos na pasilidad, sapat na suporta para sa mga guro at sistemang gumagana, dahil ‘yan ang pundasyon ng isang ligtas, maayos at epektibong edukasyon,” ang sinabi pa rin ni Castro.
“At sa dulo, ang layunin natin ay kapayapaan ng isip para sa bawat magulang,” anito. Kris Jose