MANILA, Philippines- Hindi pa rin magpapasok ng plea si dating Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr. sa pagbasa ng sakdal sa kinahaharap nitong Degamo murder case, ayon sa kanyang legal counsel na si Atty. Ferdinand Topacio.
Nitong Martes ng hapon, humarap si Teves sa Manila regional Trial Court Branch 51 sa pamamagitan ng video teleconferencing.
Ayon sa panayam kay Topacio, pinayuhan nila ang kanilang kliyente na huwag magpasok ng plea bilang uri ng protesta sa pamamaraan ng kanyang pagkakaaresto at pag-repatriate sa kanya ng gobyerno ng Pilipinas mula sa Timor-Leste.
Noong nakaraang linggo, nagpasok ng ‘not guilty plea’ ang korte nang basahan ng sakdal si Teves kaugnay sa kinahaharap na kasong illegal possession of explosives sa ilalim ng Section 3 ng P.D. 1866 na inamyendahan ng RA 9516 at illegal possession of firearms sa ilalim ng Section 189b0 ng RA 10591.
Nauna nang ipinaliwanag ni Topacio na ang gobyerno ng Timor-Leste ay hindi sumunod sa writ of habeas corpus na inisyu ng Tribunal de Recursos kung kaya’t iimbestigahan ng parliyamento ng Timor-leste ang turn-over ni Teves sa gobyerno ng Pilipinas. Jocelyn Tabangcura-Domenden