MANILA, Philippines- Hinatulang guilty sa kasong perjury ang dating agent ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos magsinungaling sa korte.
Sa 11 pahinang desisyon ni Acting Presiding Judge Jason Alwuiroz ng San Fernando, Pampanga Municipal Trial Court in Cities Branch IV, sinintensyahan na makulong ng apat na buwan si PDEA agent Jonathan Morales.
Si Morales ang kontrobersyal na testigo sa Senate investigation sa tinaguriang “PDEA leaks” kung saan kabilang sa idinawit sa ilegal na droga ay sina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., aktres na si Maricel Soriano at iba pang kilalang personalidad. Lumabas kalaunan na gawa-gawa lamang at kasinungalingan ang testimonya nito.
Sangkot sa kaso sa Pampanga ang testimonya ni Morales noong 2011 habang siya ay isang PDEA agent.
Sa rekord ng kaso, sinadya at ilegal na nagbigay ng mga maling testimonya si Morales sa korte laban sa dalawang illegal drug suspects na sina Albert Co Chua alyas Cai Hai Ying at Aaron Tan alyas Wen Chen Miao.
Nabatid na matapos ang ilang buwan ay iniurong ni Morales ang kanyang affidavit laban sa dalawa at sinabing pinilit lamang siya ng mga nakatataas na tumestigo laban sa dalawa.
Gayunman, hindi kumbinsido ang korte sa depensa ni Morales dahil hindi nito napatunayan na totoong pinilit lamang siya.
Isinagawa ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Senator Ronald Dela Rosa ang apat na beses na pagdinig sa umano’y PDEA leaks kung saan itinanggi ng mga dati at kasalukuyang opisyal ng PDEA ang akusasyon ni Morales. Teresa Tavares