Home METRO P11M ismagel na yosi nakumpiska ng NBI

P11M ismagel na yosi nakumpiska ng NBI

MANILA, Philippines- Nasamsam ng National Bureau of Investigation (NBI) ang P11.5 milyong halaga ng ismagel na sigarilyo na nagkait sa gobyerno ng humigit-kumulang P6 milyong buwis.

Sinabi ng NBI na ang kontrabando ay nasabat sa operasyon noong Agosto 4 sa baybayin ng Island Barangay sa Bubuan, Hadji Panglima Tahil, Sulu.

Ikinasa ng NBI Western Mindanao Regional Office NBI- WEMRO, Philippine National Police (PNP) at ng Bureau of Customs (BOC) ang nasabing operasyon.

Ayon sa NBI, hinuli ng mga awtoridad ang pimp boat na may kargang humigit-kumulang 200 master cases o 100,000 pakete ng umano’y ismagel na sigarilyo na may market value na humigit-kumulang P11.5 milyon.

Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba tungkol sa umano’y trans-shipment ng hinihinalang counterfeit o illegally imported/smuggled cigarettes sa isla ng probisnya ng Sulu.

Dahil sa pinaigting na anti-smuggling operations na isinasagawa ng iba’t iibang ahensya ng gobyerno sa main island ng Zamboanga City, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi, sinabi ng NBI na lumipat ang smugglers ng kanilang drop off points sa hindi inaasahang lugar na hindi pa kilala bilang smuggling area.

Nagpapatuloy pa ang follow-up operation at imbestigasyon ng WEMBRO upang matukoy at maaresto ang mga salarin. Jocelyn Tabangcura-Domenden