MANILA, Philippines- Nahaharap sa panibagong kasong graft and malversation si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa ₱38.807 bilyong umano’y illegal disbursement mula sa Malampaya Fund.
Inihayag nina National Association of Electricity Consumers for Reforms, Inc. (NASECORE) President Pete Ilagan at Boses Ng Konsyumer Alliance, Inc. (BKAI) President Roger Reyes nitong Linggo na batay ang kanilang reklamo sa Commission on Audit (COA) report na nakumpleto noong 2017.
Base sa COA report, nakatanggap ang national government ng ₱173.280 bilyong royalties mula sa petroleum operations ng Malampaya oil at gas wells mula January 2002 hanggang June 2013, kung saan ₱38.807 bilyon ang tinukoy ng COA bilang “improper disbursement” dahil sa hindi pagsunod sa umiiral na batas.
Sa reklamong inihain nila sa Office of the Ombudsman noong Sept. 28, inihayag nina Ilagan at Reyes na mahigit P38 bilyon ang napunta sa agricultural at irrigation programs, calamity rehabilitation projects, relocation at housing projects, infrastructure projects, transportation projects, national security rehabilitation ar improvement projects, at sa “Pantawid Pasada Program.”
Anito, hindi saklaw ang mga proyektong ito ng Presidential Decree No. 910, kung saan nakasaad na dapat gamitin ang Malampaya Fund sa mga proyektong may kinalaman sa “exploration, exploitation and development of indigenous energy resources vital to economic growth.”
Idinagdag nila na “although the disbursements may have served a public purpose, the same ultimately frustrated the country’s drive toward energy independence, leaving the energy consumers at the mercy of a volatile world market and inhibiting economic growth.”
Binanggit ni Ilagan na ibinasura ni dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang reklamo laban kay dating Pangulong Arroyo, at iniatas ang paghahain ng plunder at iba pang criminal charges laban sa businesswoman na si Janet Lim Napoles, dating Budget Secretary Rolando Andaya Jr., at 23 iba pa sa umano’y scam.
Hindi nasabit sa kaso si Arroyo sa dahilang ang papel lamang umano nito ay ang pagbibigay-awtorisasyon sa disbursement sa pondong wala siyang kinalaman sa misappropriation.
Subalit, iginiit ni Ilagan na ang pinag-uusapang halaga sa scam ay ₱900 milyon lamang ng pondong hindi wastong ginamit at hindi ang kabuuang ₱38.807 bilyon na na-misuse umano ni Arroyo sa loob ng siyam na taon niyang pamumuno sa bansa.
Hinamon ni Ilagan si incumbent Ombudsman Samuel Martires na magsampa ng graft and malversation charges laban kay Arroyo. RNT/SA