Home NATIONWIDE Ex-PRRD lumahok sa prayer rally bilang suporta kay Quiboloy

Ex-PRRD lumahok sa prayer rally bilang suporta kay Quiboloy

MANILA, Philippines – Lumahok si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa prayer vigil na isinagawa para kay Pastor Apollo Quiboloy nitong Miyerkules ng gabi, Marso 13.

Kasabay nito ay binatikos ni Duterte ang inisyatibo para sa Charter change at ang mga foreign trip ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Ito yung konstitusyon natin ang una talagang gumalaw nito, iniba-iba-iba niya, si Marcos… After a few decades ang pangalawang taong gustong kumalkal ng konstitusyon natin… Marcos ulit,” ani Duterte.

Muling iginiit ni Duterte ang kanyang hinala na ang plano rito ay buwagin ang Kongreso at palitan ng isang parliament, at hayaan ang mga incumbent official na manatili sa kapangyarihan.

“Ang puntirya talaga nila ito dito. ‘yung term extension,” sinabi pa ng dating Pangulo.

“‘Wag lang lang kayong magpaloko… ‘Wag kayong pumayag sa kabalustugan yan masisira ang Pilipino. You would lose your direct vote,” dagdag pa niya.

Bukod sa Charter change, binatikos din ni Duterte ang mga foreign trip ni Marcos.

“Alam mo, alam mo si Marcos pasyal pasyal na lang yan,” ayon kay Duterte.

Lumahok din sa prayer rally ang chief legal counsel ni Duterte nang siya ay pangulo pa na si Atty. Salvador Panelo.

“Sabi ko sa kanya, ngayon na ang pagkakataon na kayong dalawang mag-ama ang humawak ng kapangyarihang maging presidente at bise presidente,” sinabi ni Panelo.

Nasa prayer rally rin ang anak na si Sara Duterte ngunit tumanggi itong magsalita.

Lumahok din sa kaganapan sina senador Robin Padilla, Bong Go, at Ronald Dela Rosa, na matatandaang humaharang sa contempt citation laban kay Quiboloy sa Senado. RNT/JGC

Previous articlePBBM nasa Prague na para sa Czech Republic state visit
Next articleWalang bagong buwis ‘gang sa susunod na taon – Recto