MANILA, Philippines – Walang nakikitang mali sa pamumuno si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na kamakailan ay inakusahan ang una na gumagamit ng illegal na droga at inaabuso ang kapangyarihan.
Sa speech kasabay ng national assembly ng minority party na Partido Demokratiko Pilipino sa Davao City, sinabi ni Duterte na siya ang unang babatikos sa mga maling ginagawa ng administrasyon.
“Wala namang abuso si Marcos na ano… for as long as he maintains yung ganong ugali niya, okay lang. I think that I can live with him. I can bend with him. But huwag lang yung kagaya noon na may mga abuso, then there is favoritism lalo na sa military,” ani Duterte.
“For as long as government is running in a regular way, wala man tayong problema,” dagdag pa niya.
Sa pagsasalita sa libo-libong miyembro ng PDP kung saan siya ang chairman, sinabi ni Duterte na hindi pa siya umaabot sa puntong magsasalita siya ng masama laban kay Marcos.
“Ako I don’t have any qualms against Marcos, serious in that, for me to speak out and say, ‘Mr. President, I do not agree with you. Mr. President, you are wrong. And Mr. President, you stop it kasi hindi na maganda sa bayan yan, I have not reached that point,’ anang dating pangulo.
Nitong Biyernes ng gabi, iginiit ni Duterte ang kahalagahan ng pagkakaroon ng ‘opposing force’ sa isang demokratikong bansa para sa checks and balances.
“Tutulong ako, pero in whispers because hindi naman tayo sa oposisyon, but there has to be somebody on the opposite side.”
Ani Duterte, ang pagiging oposisyon ay karaniwang ginagawa lamang ng isang political opposition, ngunit sinabi ito na maaari rin itong gawin ng sinuman “because the checks and balance will come whether you like it or not.”
Samantala, nagpahayag ng kumpiyansa si Duterte sa lakas ng PDP habang naghahanda ito sa papalapit na eleksyon.
“Nandoon lahat ang partido. at alam kong matutunaw yan. at the end of Marcos’ term, magre-regroup pa yan. mag-aaway pa yan. While ang PDP established na tayong pag-awayan. ‘Yan ang totoo,” ani Duterte. RNT/JGC