MANILA, Philippines – Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) nitong Sabado, Setyembre 21 ang mga botante na naalis sa listahan na mayroon na lamang silang hanggang katapusan ng buwan upang iproseso ang reactivation ng kanilang rehistrasyon.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na mayroong 5.37 milyong hindi makakaboto dahil sila ay deactivated.
Panawagan ni Garcia, kailangang magpa-reactivate hanggang Setyembre 30 dahil wala nang extension.
Ang mga nais mag-apply para sa reactivation online ay maaaring makipag-ugnayan sa pamamagitan ng opisyal na email address ng Offices of Election Officer sa buong bansa, na makikita sa opisyal na website ng Comelec.
Sa mga hindi nakakapag-reactivate online, ay maaari namang magtungo sa local Comelec offices hanggang katapusan ng Setyembre.
Nauna nang sinabi ng Comelec na mahigit 600,000 deactivated voters na ang nag-apply para sa reactivation para sa 2025 national at local elections (NLE).
Samantala, umabot na sa mahigit 6.2 milyon ang bilang ng mga bagong rehistradong botante para sa 2025 national at local elections (NLE), ayon sa datos ng Commission on Elections (Comelec). Jocelyn Tabangcura-Domenden