MANILA, Philippines — Magsasampa ng mga reklamo ang National Bureau of Investigation (NBI) laban kay dating kongresista Mike Defensor kaugnay ng umano’y human trafficking operations na may kinalaman sa isang KTV bar sa Pasig City na sinalakay ng mga awtoridad.
Ayon sa NBI, lumitaw sa imbestigasyon na may mga paglabag sa National Building Code batay sa floor plan ng gusali. Inihayag ng ahensya na umano’y alam at pinayagan ni Defensor ang mga pagbabago sa istruktura ng establisimyento, kabilang ang pagtatayo ng mga nakatagong pinto, lihim na hagdanan at mga pribadong kuwarto na sinasabing ginamit upang mapadali ang human trafficking activities.
Nauna nang nagsampa ng reklamo ang NBI noong Abril laban sa asawa ni Defensor na si Julie Defensor at sa kanilang anak, na nakalista bilang mga may-ari ng establisimyento sa articles of incorporation nito.
Itinanggi naman ni Julie Defensor ang mga alegasyon at iginiit na walang kaugnayan ang kanilang pamilya sa operasyon ng naturang establisimyento.
“We have absolutely no connection to the targeted establishment or its operations,” aniya.
Dagdag pa niya, ang mga pagtatangkang iugnay ang pamilya Defensor sa raid ay “a deliberate, dangerous and desperate lie.” RNT