Home NATIONWIDE Ex-VP Binay, 17 iba pa inabswelto ng Sandiganbayan

Ex-VP Binay, 17 iba pa inabswelto ng Sandiganbayan

MANILA, Philippines- Pinawalang-sala ng Sandiganbayan sa mga kasong kriminal sina dating vice president Jejomar C. Binay, anak nitong si dating Makati mayor Jejomar Binay Jr., at 16 iba pa kaugnay sa maanomalyang pagpapatayo ng P1.3 billion Makati Science High School (MSHS) mula 2007 hanggang 2013.

Sa 86-pahinang resolusyon ng Sandiganbayan Special Fifth Division, kinatigan nito ang demurrer to evidence ng mga akusado at iniutos na mabasura ang mga kaso dahil sa kakulangan ng mga ebidensya.

Ang demurrer to evidence ay isang pleading na inihahain ng isang akusado sa kasong kriminal kung saan hinihiling nito na ma-dismiss ang kaso dahil sa mahihinang ebidensya ng prosekusyon.

Isinampa ng Ombudsman ang kaso sa Sandiganbayan bunsod ng mga iregularidad sa architectural at engineering services para sa apat na palapag na gusali na iginawad sa Infiniti Architectural Works sa halagang P17,446,760 at ang maanomalya umanong construction services para sa anim na phase ng 10-storey MSHS building na iginawad naman sa Hilmarc’s Construction Corporation sa halagang P1,336,282,212.

Ang mga akusado ay sinampahan ng multiple counts ng falsification of a public document at multiple counts ng paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act (RA) 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Inihayag ng anti-graft court na sa mga kasong kriminal, tinitiyak sa Saligang Batas ang presumption of innocence.

“It demands that the State must establish his guilt beyond reasonable doubt. To do so, the prosecution must rely on the strength of its evidence, not the weakness of his defense. Every reasonable doubt of his guilt entitles him to an acquittal.”

Dahil sa pagbasura sa kaso, kinansela ng Sandiganbayan ang inilagak na bail bonds ng mga akusado at pinawalang-saysay ang inisyu na Hold Departure Orders laban sa kanila.

Sinabi ng korte na masyadong umasa ang prosekusyon sa testimonya ng apat nitong testigo na sina dating senator Antonio F. Trillanes IV; dating Makati City vice mayor Ernesto S. Mercado; Mario U. Hechanova na head dati ng Makati General Services Department (GSD) at vice chairman ng BAC mula 2005 hanggang 2008 at ang abugadong si Renato Bondal.

“All the purported key witnesses for the prosecution had a critical flaw: they lacked direct, first-hand knowledge of the truth regarding the charges against all of the accused and as such, their testimonies hold no probative value and deserve scant consideration from this Court.” Teresa Tavares