MANILA, Philippines- Nagtagpo ang imahe ni Jesus Nazareno at ina nitong si Nuestra Señora Del Carmen sa tradisyunal na ‘Dungaw’ nitong Huwebes ng gabi bilang bahagi ng pagdiriwang para sa Kapistahan ng Poong Jesus Nazareno.
Dumating si Jesus Nazareno sa Plaza del Carmen, sa labas ng San Sebastian Church, at kinatagpo ang Birheng Maria ng alas-5:57 ng hapon.
Hudyat ng pagdating ng imahe ang tunog ng kampana at pagsigaw ng mga tao ng “Viva!” at pagtataas ng kanilang kamay.
Sinundan ito ng maiksing panalangin.
Tumagal ang Dungaw ng halos 15 minuto bago ibalik ang Birheng Maria sa loob ng simbahan.
Opisyal na nagsimula ang prusisyon sa pag-alis sa Quirino Grandstand ng alas-4:41 ng madaling araw at sa kasalukuyan ay patungo na sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno o Quiapo Church.
Base sa Manila City government, dumalo ang estimated crowd na 2.2 milyon sa Traslacion 2025, hanggang alas-2 ng hapon.
Isa ang “Dungaw,” kilala rin bilang La Mirata, sa mga tampok sa prusisyon ng Jesus Nazareno, ayon sa San Sebastian Basilica Conservation and Development Foundation, Inc.
Sa ritwal, saglit na tumitigil ang imahe ni Jesus Nazareno sa San Sebastian Church upang silayan ang Birheng Maria. RNT/SA