Home NATIONWIDE Exemptions sa Dec. 31 PUV consolidation deadline nagdulot ng kalituhan – PISTON

Exemptions sa Dec. 31 PUV consolidation deadline nagdulot ng kalituhan – PISTON

MANILA, Philippines – Naniniwala ang transport group na PISTON na nagdulot ng kalituhan sa ilang jeepney drivers ang itinakdang exemptions ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa December 31 deadline para sa PUV consolidation.

Sa memorandum ng LTFRB noong nakaraang linggo, sinabi na ang mga traditional jeepneys na bigong makapag-consolidate ng kanilang prangkisa ay papayagan pa rin na makabiyahe hanggang Enero 31, 2024 sa mga ruta na mas mababa sa 60% ang mga unit na nakapag-consolidate.

Nitong Lunes, Enero 1, sinabi ni PISTON President Mody Floranda na walang ruta ang nakaabot man lamang sa 60%, na nangangahulugang maaari pa rin silang makapag-operate.

“Ang isang problema lang natin is pag tiningnan natin, walang ni isang ruta ang umabot sa 60 percent ang compliance sa ruta, unless karamihan ay ‘di umabot. Dahil halimbawa, sa Cubao-Divisoria, 13 unit na modern ang tumatakbo, pero 155 ang traditional jeepneys,” ani Floranda sa panayam ng Teleradyo Serbisyo.

Nasa 14,000 o 33.21 percent ng mga jeep sa Metro Manila ang nakapagsama-sama sa mga kooperatiba hanggang noong Disyembre 29.

Ani Florendo, patuloy pa ring bibiyahe ang mga drayber dahil sa kalituhan sa polisiya.

“Ito nga po yung nakakalito na inilabas ng LTFRB, na binigyan ng isang buwan at pwede pa tayong bumiyahe. Pero sinasabi nila, hindi na dahil expired na at wala tayong prangkisa. Kaya nagdudulot ito ng kalituhan sa transport sector,” aniya.

“Pero sa’tin, batay sa inilabas, bumiyahe tayo dahil nagbigay naman ng extension. At kung ano ang kalituhan, ang LTFRB hindi tayo ang may problema, kung ‘di ang LTFRB dahil hindi malinaw kung ano ang inilabas,” dagdag pa.

Samantala, isa pang grupo ang pumipigil din sa consolidation, at umaasa na muling bubusisiin ng ahensya ang kanilang polisiya.

“Malaking bagay po ito. Gaya po ng sinabi namin nitong nakaraan na malaking bagay at nagpapasalamat po kami. Alam namin na marami pang puwedeng mangyari, baka sakaling mapagbigyan tayo at mapakinggan tayo, lalo na po ang Korte Suprema na lagi nating pinagdadadsal na sana magkaroon ng TRO at magkaroon uli,” sinabi ni Manibela President Mar Valbuena sa hiwalay na panayam. RNT/JGC