MANILA, Philippines – Isinusulong ni Health Secretary Teodoro Herbosa nitong Lunes, Enero 1, ang pagtatayo ng designated community fireworks display areas sa selebrasyon ng Bagong Taon, kasabay ng pagsasabing lubhang mapanganib at masama sa kalikasan ang indibidwal na paggamit ng paputok.
Ani Herbosa, hindi agad-agad mapapalitan ang nakasanayan nang pagsisindi ng paputok tuwing Bisperas ng Bagong Taon, ngunit nagpapatupad na ang ilang lungsod ng total firecracker ban sa mga nakalipas na taon.
“Maganda rin ma-develop natin ‘yung program ng community fireworks—community-led fireworks—para ‘yung mga tao mag-enjoy ng walang danger,” sinabi ni Herbosa sa isang media forum.
“Sa ibang bansa ganun naman, eh. Makikita niyo sa ibang bansa pumupunta sila [mga tao] doon sa Sydney Harbor, doon sa New York, ‘yung Times Square,” dagdag pa niya.
Iginiit ng opisyal na matindi ang nagiging epekto ng mga paputok sa polusyon, na nakakaapekto rin sa kalusugan.
“Isa sa mga danger ng kanya-kanyang pagpapaputok ay nagkakaroon ng tinatawag na air pollution, kasi lahat ng gunpowder na sumabog sa ere umiikot ‘yan as particulate matter or dust na nai-inhale ‘yan ng mga tao at masama sa ating baga,” ani Herbosa.
Sinabi pa niya na unang naaapektuhan ng masamang kalidad ng hangin dahil sa usok ng mga paputok ay ang mga taong may hika, allergic rhinitis at obstructive lung disease.
Maliban sa mga tao, apektado rin ng ingay ng mga paputok ang mga hayop. RNT/JGC