MANILA, Philippines – Pinuri at suportado ni Senator Christopher “Bong” Go ang expanded benefit packages sa heart diseases ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na tumaas ang coverage rates sa critical treatments.
“Isa itong napakagandang balita para sa ating mga kababayan na madalas nahihirapan dahil sa napakalaking gastos sa pagpapagamot ng sakit sa puso. Ang ganitong mga benepisyo ay talagang kailangan ng mga Pilipino,” ani Senator Go ukol sa bagong benepisyo na inanunsyo ng PhilHealth sa ilalim ng Circular 2024-0032.
Sa ilalim ng pinalawak na mga pakete, ang coverage para sa percutaneous coronary intervention (PCI), isang kritikal na pamamaraan ng pag-alis ng blocked arteries, ay itinaas mula P30,300 patungong P523,853—isang dramatikong 1,629% na pagtaas.
Samantala, ang benepisyo ng fibrinolysis, isang paggamot upang matunaw ang mga namuong dugo, ay pinahusay din, kung saan ang coverage ay tumaas mula P30,290 hanggang P133,500, na nagmamarka ng 341% na pagtaas.
Binigyang-diin ni Senator Go ang kahalagahan ng accessible na pangangalagang pangkalusugan para sa mga pasyenteng may sakit sa puso, partikular sa mga komunidad na kulang sa serbisyo. “Ang puso ay buhay. Hindi dapat maging hadlang ang kakulangan sa pera para makapagpagamot ang ating mga kababayan,” sabi ni Go.
Pinuri niya ang state insurer sa pagtugon sa mga matagal nang isyu ngunit muling idiniin ang pangangailangang ipagpatuloy ang pagkilos upang ganap na matugunan ang mga pangangailangan sa healthcare ng mga Pilipino.
“Kung hindi dahil sa ating pakikipaglaban, hindi matutupad ang mga dagdag na benepisyo na ito. Sulit ang ating pangungulit ngunit hindi tayo dito titigil hanggang maisakatuparan ang mga pangako sa taumbayan,” sabi ng senador.
Patuloy na hinihimok ni Senator Go ang state health insurer na palawakin din ang mga benefit package, lalo sa nangungunang 10 mortality disease, taasan ang case rates, at ibasura ang mga mahigpit na patakaran tulad ng 24-hour confinement policy.
Bukod sa pinalawak na mga benepisyo, matagumpay na itinulak ni Senator Go ang pag-aalis sa Single Period of Confinement (SPC) policy, ang malaking pagtaas sa case rates, at pagsasama sa iba pang benepisyo sa ilalim ng Philhealth coverage at iba pa.
Ito ay sa kabila ng kakulangan ng subsidiya ng gobyerno para sa PhilHealth ngayong 2025. Tiniyak ni PhilHealth president Emmanuel Ledesma Jr. na ang mga pinahusay na pakete ay sumasaklaw sa hanay ng mga serbisyo, kabilang ang emergency care, mga gamot, laboratory test, at medical equipment nang walang out-of-pocket costs ng miyembro. RNT