MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority nitong Martes na sususpendihin ang expanded unified vehicular volume reduction program (UVVRP) sa Biyernes, June 6, sa paggunita ng bansa sa Eid’l Adha o Feast of Sacrifice.
Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa pamamagitan ng Proclamation 911, ang June 6 bilang isang regular holiday.
Batay sa proklamasyon, nilagdaan noong May 21, inirekomenda ng National Commission on Muslim Filipinos ang deklarasyon ng June 6, 2025 bilang isang national holiday, sa paggunita sa Eid’l Adha.
Isa ang Eid al-Adha sa dalawang major holidays sa Islamic tradition na gumugunita sa pagsunod ni Prophet Ibraham upang isakripisyo ang kanyang anak na si Ismail, sa kautusan ni Allah.
Pinayuhan ng MMDA ang mga motorista na planuhin ang kanilang biyahe, sumunod sa traffic rules, at maging maingat sa pagmamaneho. RNT/SA