MANILA, Philippines — Agad na sasawatahin ng Philippine Ports Authority (PPA) ang mga fixer na nag-aalok ng “express entry” sa Batangas Port para sa mga sasakyang sasakay sa RoRo ngayong Kapaskuhan.
Personal na nag-inspeksyon si PPA General Manager Jay Daniel Santiago noong Lunes at nagpaalala sa mga driver laban sa fixers na humihingi ng P2,000 para sa mabilis na pagpasok.
Ipinakita ni Santiago ang isang queuing system kung saan bibigyan ng numero ang bawat sasakyan sa pila upang masubaybayan kung sino ang awtorisadong pumasok sa pantalan.
Binalaan din niya ang mga port police at security personnel na mahuhuling nakikipagsabwatan sa fixers.
“Kung may tauhan kami mismo sa PPA either security or port police tatanggalin ko on the spot, wala nang argumento yun.”
Samantala, humarap ang mga pasahero sa mahabang pila, kakulangan sa tiket, at limitadong biyahe ng mga barko.
Halimbawa, higit 500 pasahero papuntang Odiongan, Romblon ang hindi nakasakay noong Linggo at nakabili lamang ng tiket sa Lunes para sa nakatakdang biyahe kinabukasan.
Ipinakita ni Santiago ang kanyang pagkadismaya sa sistema ng ticketing, at pinilit ang mga shipping line na agad magbenta ng tiket sa mga pasaherong nakapila mula pa noong umaga.
Paliwanag niya, ang pangunahing dahilan ng congestion sa Batangas Port ay kakulangan ng barko sa ruta.
Hinihikayat ni Santiago ang Maritime Industry Authority at mga shipping company na magdagdag ng barko at ipatupad ang 100% booking system upang maiwasan ang siksikan sa pantalan. Santi Celario