TAIWAN – Umaasa ang Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taipei na mapapalawig pa ang visa-free entry program para sa mga Filipino na magtutungo sa Taiwan.
Sa news forum, sinabi ni MECO Chairperson and Resident Representative Cheloy Velicaria-Garafil na pinag-uusapan pa sa ngayon ang extension sa visa-free entry scheme sa mga Filipino.
“It’s continuing… It’s still too early, but our relationship [with Taiwan] is good, so hopefully it will be extended,” ayon kay Garafil.
Matatandaang pinalawig ng Bureau of Consular Affairs (BOCA) ng Taiwan ang 14-day visa-free policy nito sa mga biyaherong Pinoy hanggang Hulyo 31, 2025.
Ang visa-free program para sa mga Filipino ay nagbalik noong Setyembre 29, 2022 at nakatakdang magtapos sana noong Hulyo 31, 2023, ngunit pinalawig hanggang Hulyo 31, 2024.
Ani Garafil, lumalawak ang ekonomiya ng Taiwan at nagbubukas ito ng mga border hindi lamang sa mga manggagawa kundi maging sa mga estudyante.
“They are inviting students, college students, senior high school students to study various courses in Taiwan because that is what they need for their industries,” aniya.
“So in the next few months… we will be spearheading some projects to help students study for free in Taiwan,” dagdag pa nito.
Ayon sa MECO chair, mayroong 200,000 Filipino sa Taiwan, 170,000 sa mga ito ang nasa semiconductor, agriculture, at factory industries. RNT/JGC