MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na pinag-aaralan pang mabuti ng gobyerno ng Pilipinas ang kahilingan ng gobyerno ng Estados Unidos na extradition ng lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy na kasalukuyang nakakulong sa Pasig City Jail.
Nahaharap kasi si Quiboloy sa mga kasong child sex trafficking, malawakang pagpupuslit ng malaking halaga ng salapi (bulk cash smuggling), at iba pang mga kaso sa Amerika bukod pa sa mga lokal na kaso rito sa Pilipinas na qualified human trafficking at child abuse.
“Sinabi po niya (Pangulong Ferdinand Marcos Jr.) na kailangan ‘tong pag-aralang mabuti. Pero in a couple of weeks ay magbibigay po sila ng anunsyo kung ano ang magiging desisyon para dito,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Ani Castro, ang extradition ay isang opsyon sa ilalim ng Philippines-US Extradition Treaty, nagbibigay nagbibigay para sa pansamantalang pagsuko ng isang tao na inuusig o nagse-serve na ng sentensiya sa requested country.
Sinasabing pormal nang ipinadala ng US Department of State ang extradition request sa Department of Justice (DOJ).
Sa ulat, sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, naipadala na ang pormal na kahilingan ng gobyerno ng Amerika sa Department of Justice.
Nagpalabas ang isang pederal na hukuman sa US ng warrant of arrest laban kay Quiboloy noong Nobyembre 10, 2021 matapos siyang kasuhan ng conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion at sex trafficking of children.
Inaakusahan si Quiboloy ng pakikilahok sa isang labor trafficking scheme kung saan dinala sa Estados Unidos ang mga miyembro ng simbahan gamit ang mga visa na umano’y nakuha sa pamamagitan ng panlilinlang, at pagkatapos ay pinilit silang mangalap ng donasyon para sa isang huwad na charity.
Ang mga donasyong ito ay sinasabing ginamit upang “finance church operations and the lavish lifestyles of its leaders.”
Inaresto si Quiboloy sa Davao City noong Setyembre 8, 2024 at mula noon ay naghain na siya ng not guilty na plea sa kasong qualified human trafficking. (KRIS JOSE)