Home NATIONWIDE F2F classes sa higit 5K iskul naantala sa matinding init

F2F classes sa higit 5K iskul naantala sa matinding init

MANILA, Philippines- May kabuuang 5,844 paaralan sa buong bansa ang nagsuspinde na ng in-person classes at lumipat sa alternative delivery modes sa gitna ng matinding init, ayon sa Department of Education (DepEd) nitong Huwebes.

Base sa datos ng DepEd, naitala sa Central Luzon ang pinakamaraming paaralang nagsuspinde ng face-to-face classes sa 1,124.

Sinundan ito ng Central Visayas sa 792 eskwelahan, Soccsksargen sa 678, Bicol Region sa 634, at Zamboanga Peninsula sa 610.

Samantala, sa National Capital Region, 306 paaralan ang nagpatupad ng alternative delivery modes, tulad ng online o modular classes.

Noong 2022, ipinalabas ng Department of Education (DepEd) ang Department Order 37, na nagbibigay sa school heads ng awtoridad na suspendihin ang in-person classes at lumipat sa alternative delivery modes sa kaso ng matinding init at iba pang kalamidad na maaaring makakompromiso sa kalusugan at kaligtasan ng mga estudyante, guro, at non-teaching personnel.

Ayon pa sa DepEd, may awtoridad din ang regional directors at superintendents na ilipat ang class schedules nang mas maaga o hapon dahil sa mataas na temperatura.

Inihayag ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte nitong Lunes na hindi kailangang pairalin ng mga paaralan ang make-up classes matapos masuspinde ng face-to-face classes sa ilang lugar dahil sa sobrang init. RNT/SA