MANILA, Philippines – Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang suspensyon ng face-to-face classes ngayong araw, Abril 3 sa lahat ng antas ng pampubliko o pribadong paaralan sa lungsod.
Ang kautusan ng suspensyon ng klase ay base sa Executive Order No. 42 na inilabas ng City Mayor Emi Calixto-Rubiano.
Ayon kay Calixto-Rubiano, kanyang ipinag-utos ang pagpapaliban ng klase sa mga paaralan sa lungsod bunsod sa inaasahang pagtaas ng heat index na aabot sa 43 degrees Celsius.
Nakararanas ng mabilis na pagtaas ng temperatura sa mga nakaraang linggo na nakaaapekto sa balanseng init sa lungsod dahil sa pagdating ng panahon ng tag-init sa bansa.
Sinabi ni Calixto-Rubiano na ang paraan ng pagtuturo at pagkatuto ay maaaring maisagawa sa pamamagitan ng online, modular o anumang alternatibo batay sa kakayahan ng bawat paaralan, guro gaayundin ng mga mag-aaral.
Nakasaad din sa kautusang inilabas ni Calixto-Rubiano na kapag umabot sa 42 degrees Celsius pataas ang temperaturang mararamdaman sa lungsod ay hinihikayat ang mga paaralan na ipagpaliban ang face-to-face classes at isagawa ang alternative learning modality o ang online/modular classes upang hindi maantala ang pag-aaral ng mga estudyante sa academic calendar. James I. Catapusan