Home HOME BANNER STORY 7,188 iskul lumipat sa alternative delivery mode – DepEd

7,188 iskul lumipat sa alternative delivery mode – DepEd

MANILA, Philippines- Na-monitor ng Department of Education (DepEd) ang pagdami ng mga paaralang nagsasagawa ng alternative delivery mode (ADM) sa pag-iral ng matinding init, dahilan upang suspendihin ng local governments ang in-person classes sa kani-kanilang lugar.

Hanggang nitong Huwebes, Abril 25, kinumpirma ng DepEd na 7,188 paaralan ang nagpapatupad ng ADMs mula sa 47,678 eskwelahan sa buong bansa.

Naitala sa Region III ang pinakamaraming bilang ng paaralan sa ilalim ng ADM sa 1,765. Sinundan ito ng Region VI sa 1,389 at Region I sa 759.

Sa Region II, 109 paaralan ang nagsuspinde ng klase dahil sa matinding init. Binanggit din ng DepEd na 525 eskwelahan sa Region IV-A ang nasa ilalim ng ADM.

Gayundin, 456 eskwelahan sa Region IV-B ang lumipat sa ADM at 413 paaralan naman sa  Region V ang nagsuspinde ng face-to-face classes.

May kabuuang 407 paaralan ang nagsuspinde ng on-site classes dahil sa init ng panahon sa Region 7. Sinabi ng DepEd na mayroon ding 102 paaralan sa Region VII na nagpairal ng ADMs.

Sa Region 9, mayroong 164 eskwelahan sa ilalim ng ADM, at tatlong paaralan naman sa Region X na nagsuspinde rin ng kanilang physical classes.

Mayroong 84 eskwelahan sa Region XI sa ilalim ng ADM, 335 sa Region XII, at isa sa Region XIII.

May kabuuang 246 paaralan sa CAR ang lumipat sa ADM habang 430 eskwelahan sa National Capital Region (NCR) ang nagsuspinde ng klase dahil sa extreme weather conditions.

Sa gitna ng mataas na heat indices na naitala sa iba’t ibang bahagi ng bansa, inulit ng DepEd ang paalala nito sa school heads na mayroon silang “authority and discretion” na magsuspinde ng in-person classes at lumipat sa ADM sa panahon ng matinding init at iba pang kalamidad na maaaring makakompromiso sa kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at non-teaching personnel.

Sa mahigit 47,000 sa buong bansa, binigyang-diin ng DepEd na para sa “best interest of the learning community to have localized assessments for timely response and interventions to ensure the welfare of learners and personnel.” RNT/SA