Home NATIONWIDE Fake celebrity online endorsement sa mga gamot, tatalupan ng Senado

Fake celebrity online endorsement sa mga gamot, tatalupan ng Senado

MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na magsagawa ang Senado ng imbestigasyon sa lumalaganap na pekeng online endorsements ng ilang sikat na personalidad at mapanlinlang na advertisement posts sa social media sa mga binebentang produkto na hindi rehistrado.

Naghain si Estrada ng Senate Resolution No. 666 at dito binanggit nya ang panganib na idinudulot sa mga konsyumer ng naglipanang online marketing materials at impostor pages o accounts na nagpo-promote ng mga hindi rehistradong produkto para sa iba’t ibang karamdaman o benepisyo sa kalusugan gamit ang mga pangalan at larawan ng mga lokal na personalidad at sikat na mga artista.

“Ang ganitong advertisements ay naglilinlang sa mga mamimili na ang mga sikat na personalidad ay gumagamit at nag-eendorso ng pagkain at gamot na hindi pa rehistrado sa mga kinauukulang ahensya at hindi pa aprubado para ipamahagi at ibenta sa publiko,” aniya.

Sinabi pa ni Estrada na marami na ang nakapanood at nag-share ng ganitong maling impormasyon tungkol sa epekto, kalidad at kaligtasan ng pagkain, gamot at mga produktong pangkalususan na kalat na ngayon sa social media platforms.

“Ang pagkalat at pagdami ng mga mapanlinlang na online na patalastas ay malinaw at tahasang paglabag sa Consumer Act na nagpaparusa sa pagpapakalat ng mga mapanlinlang na sales promotion practices,” paliwanag niya.

Inihalimbawa ni Estrada ang mga ulat tungkol sa diumano’y pag-endorso ng produkto ni Dr. Willie Ong, isang internist at cardiologist na may maraming social media followers, sa isang mixed nuts na “miracle food.” Binanggit din niya ang napabalitang paggamit ng pangalan at larawan ni Dr. Tony Leachon upang ipahiwatig ang kanyang paggamit at pag-endorso sa isang produktong gamot diumano sa sakit na diabetes.

“Kailangan na agarang maprotektahan ang mga mamimili laban sa pagkonsumo ng mga hindi rehistrado at posibleng mapanganib sa kalusugan na mga pagkain at produkto sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga probisyon ng Consumer Act at regulasyon sa mga mapanlinlang na advertisements sa social media platforms,” pahayag ni Estrada.

Idiniin din ng batikang mambabatas ang pangangailangan na matukoy at matugunan ang mga posibleng butas sa mga umiiral na batas at regulasyon ng bansa pati na ang pag-update sa mga probisyon ng mga ito sa harap ng malawakang paggamit ng social media platforms at cyberspace, gayundin ang nakakabahala na paggamit ng mga malisyosong manipulated images, spliced videos at gawa-gawang pahayag sa pag-promote ng mga pagkain at produktong pangkalusugan. Ernie Reyes