MANILA, Philippines – Maging matalino, huwag paloko.
Ito ang hamon ni Naga City Mayor Nelson Legacion kasabay ng pagkondena sa nagkalat na fake news at disinpormasyon sa Bicol Region na hinihinalang may kaugnayan sa gaganaping Mayo 2025 midterm election.
Kasabay nito, hinamon ni Legacion ang kaniyang mga kalaban sa pulitika na maging tapat at lumaban ng patas sa halip na magpakalat ng mga maling impormasyon o paninira para makaungos laban sa kanilang mga katunggali.
Ayon kay Legacion, congressional bet sa ikatlong distrito ng Camarines Sur, na ang kailangan ng kanilang distrito ay isang mamumuno na may ‘transformative’.
“Dapat alisin na ang taktika ng disinpormasyon at magpokus na lamang sa konkretong plataforma at ilahad ang mga accomplishments” ani Legacion.
“Ang pag-usapan natin dapat ay programa, plata-porma, at kung ano ang nakakabuti sa ating mga kababayan. Camarines Sur has endured decades of unfulfilled promises and dynastic rule. It’s time to move forward,” giit pa nito.
Sa isang press conference binatikos ni Legacion, isang dating seminarista mula sa Lakas-CMD, ang pinalutang na isyu laban sa kaniya, kay outgoing Camarines Sur 3rd District Rep. Gabriel Bordado Jr. at gubernatorial candidate Bong Rodriguez ukol sa pagnanakaw ng relief goods mula sa bodega ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pawang walang katotohanan.
“Fake news has no place in a fair and honest political contest,” giit ni Legacion.
Ibinunyag pa ni Legacion ang isinasagawang smear campaign laban sa kanya na pinondohan ng P 1 milyon noon lamang 2024.
Iginiit pa nito na bagamat kaliwat kanan ang fake news laban sa kanya ay nanatili pa rin ang kumpiyansa nga mga residente, ipinagmalaki din nito ang pagtanggap ng kanilang lungsod ng ‘Seal of Good Local Governance” mula sa tanggapan ng DILG noong 2024 bilang most competitive city sa Pilipinas. RNT