ALICIA, Isabela – Nauwi sa malagim na trahedya ang masaya sanang family outing matapos na malunod ang 7- anyos na batang lalaki sa isang resort sa Alicia, Isabela.
Kinilala ang nasawi na si alyas ‘Brix’, Grade 2 pupil at residente ng Brgy. Paddad, Alicia, Isabela.
Kasama ng biktima ang kaniyang ama at mga kaibigan na magtungo sa lugar para sa isang family outing.
Habang abala sa paghahanda ng pagkain ang kanilang ibang kasamahan ay nagtungo naman ang bata at kaniyang ama sa children’s pool para mag-swimming.
Ilang saglit nang umalis ang tatay ng bata sa pool at bumalik sa kanilang cottage at nakipag-inuman.
Pagkalipas ng 30 minuto, muling nagtungo ang tatay para tingnan ang kaniyang anak ngunit kinabahan ito ng hindi na mahanap sa pool ang bata.
Mabilis namang nagtungo sa adult pool ang ama na may limang talampakang lalim at dito niya nadiskubre ang anak na nasa sahig na ng pool at mabilis na iniahon para bigyan ng paunang lunas partikular ang pagsasagawa ng Cardiopulmonary resuscitation o CPR ngunit walang tugon ang bata.
Kaagad na isinugod sa hospital ang biktima ngunit huli na matapos ideklarang patay ang bata ng sumuring doktor. REY VELASCO