Manila, Philippines — Pinarangalan ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa kanilang aktibong suporta sa Partnership Against Hunger and Poverty (PAHP) sa pamamagitan ng programang “Farm to Jail Kitchen,” na layuning itaguyod ang lokal na agrikultura habang pinabubuti ang nutrisyon ng Persons Deprived of Liberty (PDL).
Sa ilalim ng programang ito, ang mga pagkaing inihahain sa mga PDL ay direktang kinukuha mula sa mga Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) at mga lokal na magsasaka. Bukod sa mas sariwa at de-kalidad na pagkain, nabibigyan din ng mas matatag na merkado ang mga produkto ng mga benepisyaryo ng reporma sa lupa.
“Sa pamamagitan ng walang pagod na pagsisikap ng BJMP at ng patuloy na pakikipagtulungan sa ARBOs, nakatutulong tayong lumikha ng mga oportunidad na nagpapalusog hindi lang sa katawan kundi pati na rin sa kabuhayan ng ating mga PDL at magsasaka,” saad ng BJMP.
(c) Danny Querubin
Nagpasalamat din ang BJMP sa Department of Agrarian Reform (DAR) sa pangunguna ni Secretary Conrado Estrella III at Undersecretary Josef Angelo S. Martires para sa ibinigay na pagkilala.
Bilang tugon sa pagkilalang ito, tiniyak ng BJMP ang patuloy na pagtupad sa kanilang layunin: “Maglilingkod kami nang may layunin — para sa bayan, para sa mamamayan.” RNT