MANILA, Philippines – Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa mga kumakalat na pekeng bersyon ng pain reliever medicine at paracetamol.
Sa pinakabagong health warning na inisyu ng FDA, talamak ang bentahan ng pekeng bersyon ng sikat na paracetamol brand na Biogesic.
“All healthcare professionals and the general public are hereby warned as to the availability of this counterfeit drug product in the market which pose potential danger or injury to consumers,” pahayag ng FDA.
Bagama’t mukhang magkapareho sa unang tingin, ang lot number, capsule, knurling o ridges sa packaging, at print appearance ng pekeng gamot ay “not comparable” sa registered product.
Ayon sa FDA, ang mga consumer ay dapat lamang na bumili sa FDA-licensed establishments.
Samantala, ang mga mapatutunayang nagbebenta ng pekeng gamot ay mahaharap sa multa at parusa.
Noong 2022, sinabi ng FDA na ang pagkalat ng pekeng gamot ay dahil sa social media at online shopping apps kung saan marami ang nagbebenta sa naturang platform. RNT/JGC