MANILA, Philippines- Nagbabala sa publiko ang Food and Drug Administration (FDA) laban sa pagbili at pagkonsumo ng limang hindi rehistradong produkto ng pagkain, kabilang ang isang tatak ng mantika ng manok at yema spread.
Sinabi ng ahensya na sa pamamagitan ng post-marketing surveillance, kinumpirma nito na ang mga sumusunod na produkto ng pagkain—Chicken Inasal Oil, Jairah’s Yema Spread, Qiao Mei Wei Shi Zhong Guo Shu Cui (sa banyagang wika), Golden PW Cooking Oil 100% Pure Palm Oil, at Mix Biscuits Delicious and Assorted Biscuits—ay hindi nakarehistro at walang kaukulang Certificate of Product Registration (CPR).
Nagbabala din ang FDA laban sa pagbili at paggamit ng hindi rehistradong food supplements–XXtreme Power Whey Protein Gummy Bears at Enerpeak Nattocur Nattokinase Curcumin, Turmeric, Piperine Dietary Food Supplement.
Dahil ang mga hindi rehistradong produktong pagkain na ito ay hindi sumailalim sa proseso ng pagsusuri ng FDA, hindi magagarantiya ng ahensya ang kalidad at kaligtasan ng mga ito.
Ang lahat ng kinauukulang establisimyento ay binabalaan na huwag ipamahagi, i-advertise, o ibenta ang mga nabanggit na produkto ng pagkain hangga’t hindi naibibigay ang CPR.
Ang pagkabigong sumunod ay magreresulta sa mahigpit na mga aksyong panregulasyon at mga parusa.
Pinayuhan ng FDA ang publiko na laging suriin kung ang produkto ay rehistrado sa pamamagitan ng kanilang verification portal, tingnan ang FDA Registration number sa product label o i- search ang pangalan ng produkto. Jocelyn Tabangcura-Domenden