Home ENTERTAINMENT Fiancé handang patawarin ni Jellie Aw kung..

Fiancé handang patawarin ni Jellie Aw kung..

MANILA, Philippines- Sinabi ng vlogger at disc jockey na si Jellie Aw nitong Biyernes na handa siyang patawarin ang kanyang fiancé na nang-abuso umano sa kanya, subalit idinagdag na kailangan nitong managot.

“Kaya ko po siyang patawarin pero gusto ko po pagbayaran niya ‘yung ginawa sa akin para hindi na niya magawa sa mga ibang babae pa,” aniya base sa ulat.

Inalala ni Jellie ang pang-aabusong naranasan niya habang nasa expressway noong Miyerkules.

Aniya, hinila ng kanyang fiancé ang kanyang buhok habang nagmamaneho siya, idinagdag na sinuntok din siya na nag-iwan ng maliit na blood clot sa kanyang mata. Gayundin, naputol ang kanyang ngipin at namaga ang taas na labi.

“Sobrang seloso po kasi, parang maliit na bagay po pinagseselosan niya,” pahayag ni Jellie.  

“Buti na lang po pagdating po namin ng Angeles, Pampanga, ‘di po umangat ‘yung boom kaya ‘yun na po yung chance ko para makahingi ng tulong,” dagdag niya. “After po nun, nakita ko siya tumatakbo tapos may mga bus po kasi, sumakay po siya sa bus.” 

Naghain na ng reklamo ang vlogger-DJ sa National Bureau of Investigation, na kasalukuyang tinutugis ang kanyang fiancé.

“Kung suwe-suwertehin tayo, within the day, makukuha natin ‘yung boyfriend niya para mapanagot sa kasalanan na ginawa niya,” pahayag ni NBI director Jaime Santiago sa press briefing. 

Sinuri rin ng NBI ang sasakyan ni Jellie kung saan naganap ang insidente upang idokumento ang ebidensya.

“So kung sa subject natin, kung naririnig mo ito, maganda na makipag-ungnayan na lang sa amin, sumuko dito para makakabawas pa ‘yon sa kinakaharap na kaso,” pahayag ni Yehlen Agus, NBI VAWCD chief. RNT/SA