MANILA, Philippines- Hinikayat ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang Filipino-Chinese community na tumulong upang humupa ang umiinit na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China matapos ang dumadalas na panghihimasok ng huli sa West Philippines Sea (WPS).
Sa panayam, sinabi ni Escudero na malawak at malaki ang pwedeng gampanan ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry at iba’t ibang Filipino-Chinese communities hinggil sa sigalot.
“Hiling at dalangin ko na magsilbi kayong tulay ‘ika nga sa rumaragasa at tila nagagalit na karagatan na tinatawag nating West Philippine Sea sa pagitan ng bansa natin at bansang Tsina upang sa gayon anumang hindi pagkakaunawaan ay maresolba, anumang hindi pagkakaintindihan ay maisantabi,” ayon kay Escudero.
Nagsalita si Escudero sa ika-23 taon ng Filipino-Chinese Friendship Day at 49th anniversary ng diplomatic ties ng Pilipinas at China.
Naunang iminungkahi ni Escudero na idulog sa Association of South East Asian Nation (ASEAN) ang huling isyu ng pagkumpiska ng Chinese Coast Guard sa supplies ng Philippine Navy sa tropa ng gobyerno na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre.
Nitong Biyernes, iniulat ng Philippine Coast Guard na binangga ng China Coast Guard (CCG) ang Philippine Navy na nagsasagawa ng medical evacuation sa West Philippine Sea. Ernie Reyes