Home NATIONWIDE Filipino-Chinese community tiwala sa paglutas ng kidnapping, pagpatay kay Que

Filipino-Chinese community tiwala sa paglutas ng kidnapping, pagpatay kay Que

MANILA, Philippines – Tiwala ang grupo ng mga negosyanteng Filipino-Chinese na malulutas sa lalong madaling panahon ang nangyaring krimen sa negosyanteng si Anson Que at kanyang driver na si Armanie Pabillo.

Sa isang press briefing, sinabi ni Cecilio Pedro, ang presidente ng Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry Incorporated (FFCCCI) na kakayaning resolbahin ang kaso ng mga alagad ng batas sa bansa.

Ang sunod-sunod na kidnapping sa mga Chinese ay nagdulot ng takot sa mga Filipino-Chinese Community kung saan si Que ang pinakahuling biktima sa loob ng apat na buwan simula ng pagpasok ng taong 2025.

Sinabi ng FFCCCI na ang ganitong krimen ay hindi katangap-tanggap.

“Natatakot yung mga business community dahil po sa kidnapping. Ito kasi, this is very unique eh, hindi lang kidnapping…binayaran na pinatay pa. Ito ang ayaw namin,” sabi ni Pedro.

Samantala, nanawagan ng hustisya para sa higit na kapayapaan at kaayusan sa Pilipinas ang FFCCCI kasama ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Philippine Exporters Confederation (PhilExport) kasunod ng mga insidente ng kidnapping at pagpatay sa bansa.

“We call for an unyielding reinforcement of the rule of law– not through rhetoric, but through resolute, systemic reform.”

“Strengthen our law enforcement agencies with resources, training, and accountablitiy. Eradicate the culture of impunity that emboldens predators. Restore faith in our institutions by proving, through deeds, thaht no one is above the law,” ayon pa sa public statement ng Filipino-Chinese community.

Idinagdag pa na ang kaligtasan ng bawat mamamayan, bawat bisita, bawat residente, at bawat bata na naglalaro sa kalsada sa buong Pilipinas ay dapat maging non-negotiable.

Si Que ay dinukot at matapos magbayad ng ransom money ay pinatay ang negosyante kasama ang kanyang driver kung saan sila ay natagpuan sa Rodriquez, Rizal.

Tiniyak naman umano ng gobyerno ang pag-aksyon sa nasabing pangyayari at katunayan ay bumuo ng Task Force Kontra Kidnapping upang matuldukan na ang mga serye ng pagdukot sa Fil-Chinese community.

Nagkaroon na rin umano ng dayalogo sa pagitan ng mga opisyal ng gobyerno kabilang rito ang Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), BUreau of Immigration (BI) at mga lider ng Filipino-Chinese Community. Jocelyn Tabangcura-Domenden