MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Pinay na asawa ng isang German national dahil sa pakikipagsabwatan nito sa kanyang asawa sa pangmomolestiya sa kanilang mga anak na babae.
Ayon sa BI, inaresto ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit (FSU) ang 57-anyos na Pinay na napag-alaman na isa nang German citizen sa isinagawang operasyon sa Quezon City.
Sinabi ng BI na isang red notice ang inilabas ng Interpol laban sa suspek dahil sa pang-aabuso sa kanyang dalawang anak na babae, na kapwa menor de edad.
Ayon kay BI-FSU Chief Rendel Sy, nag-umpisa umano sa pang-aabuso ng mga suspek sa kanilang mga anak mula sa edad nila na lima at walong taon gulang pa lamang sila.
Nabatid sa mga awtoridad na matagal nang inaabuso ng mag-asawang German ang kanilang mga anak na babae.
Iniulat ng mga biktima ang kanilang kalagayan sa mga awtoridad, na humantong sa pag-aresto sa kanilang ama sa Germany.
Samantala, sinubukang magtago ng ina sa Pilipinas. Inaasahang ipapatapon ang ina sa Germany kung saan haharapin nito ang mga kaso laban sa kanya. RNT