Home HOME BANNER STORY Findings ni Imee sa imbestigasyon sa paghuli kay Digong pinalagan ni PBBM

Findings ni Imee sa imbestigasyon sa paghuli kay Digong pinalagan ni PBBM

MANILA, Philippines- Iginiit ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na hindi siya sang-ayon sa findings ng kanyang kapatid na si Senator Imee Marcos, sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Tumugon si Marcos sa mga pahayag ng kanyang kapatid sa pagsasabing, “Everyone is entitled to their opinion. I disagree.”

Inihayag ito ng Pangulo nitong Martes matapos dumalo sa graduation rites ng Philippine National Police Academy (PNPA) “Sinaglawin” Class of 2025 sa Camp General Mariano N. Castañeda sa Silang, Cavite.

Sinabi ng presidential sister na ang pagdakip kay Duterte ay “planned effort” ng administrasyon upang pabagsakin ang mga Duterte, iginiit na labag ito sa batas ng Pilipinas.

Sinabi rin ng senador na ipinakikita umano ng findings na ang pag-aresto at pagbigay kay Duterte sa International Criminal Court (ICC) ay “politically motivated.”

“A clear pattern begins to arise where major political incidents precede significant statements and actions of the administration cooperating with the ICC,” giit ng senador noong Lunes.

Sinabi pa niyang ang pagdakip sa dating Pangulo ay “whole-of-government effort.”

“So it’s apparent that the final arrest of the former President on March 11 was part of a whole-of-government effort to bring down the Dutertes as early as possible before 2028,” wika ni Imee.

Inaresto si Duterte noong March 11 at dinala sa ICC sa parehong araw. Isinilbi ang warrant of arrest mula sa ICC sa pamamagitan ng Interpol, na tinulungan ng Philippine government alinsunod sa obligasyon nito sa Interpol. RNT/SA