MANILA, Philippines – INIREKOMENDA ng House ways and means committee ang pagsasampa ng tax evasion charges laban sa local distributor ng kontrobersyal na Chinese e-cigarette Flava kasunod ng nasamsam na P1.4 bilyong halaga ng illicit devices.
Natuklasan kasi ng komite na pinamumunuan ni Rep. Rufus B. Rodriguez na ang Flava Corporation ay nagdeklara ng maling tax classification at sa kabila ng pagiging rehistrado bilang manufacturer ay wala naman itong manufacturing facility sa bansa.
“There are only two possible conclusions, both of which involve tax evasion and other violations of law, rules and regulations on the part of the Flava Corporation,” ang nakasaad sa Committee report.
Sinasabi rin na walang brands registered ang kompanya para mag-angkat.
Nauna rito, naghain ng resolusyon si Rodriguez para magsagawa ang Kongreso ng imbestigasyon para tugunan ang napaulat na smuggling ng electronic cigarettes at nagresulta ng nawalang buwis na nagkakahalaga ng P728 milyon.
Matapos ang dalawang pagdinig, inirekomenda ng komite sa Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue na ituloy ang legal action laban sa naturang kompanya base sa mga natuklasan at ebidensiya at gumamit ng mga kaugnay na batas upang matiyak ang pananagutan.
Tinukoy ang Seksyon 115 (a) o National Internal Revenue Code, pinayuhan ng komite ang Bureau of Internal Revenue (BIR) para sa agarang suspensyon ng business operations ng Flava Corporation.
Ang BIR ay may kapangyarihan na magsuspinde ng mga negosyo na mayroong paglabag gaya ng pagkabigo na magpalabas ng resibo, maghain ng value-added tax returns, o tamang mag-report ng sales ayon sa ulat.
Inirekomenda rin ng komite ang paghahain ng kaso laban sa Flava Corporation sa ilalim ng Seksyon 263 ng NIRC para sa “unlawful possession or removal of articles subject to excise tax without proper payment. “
Ang hatol naman ng NIRC ay multa na P10 million hanggang P20 million at pagkabilanggo ng 10 hanggang 12 taon para sa mga mapatutunayang guilty sa nasabing kasalanan na may kinalaman sa kalakal na may appraised value na lampas sa P1 million.
Upang lalong mabawasan ang illicit trade, inirekomenda ng komite na pigilan ang publiko sa pagbebenta ng lahat ng e-cigarette products nito na mabibigong mapatunayan na nagbabayad ng tamang buwis at rehistrasyon sa BIR. Ito’y nakahanay sa Seksyon 23 ng RA No. 11900 o Vape Law, kung saan may mandato na bawiin, ipagbawal o samsamin ang unregistered vapor products.
Nag-ugat ang House inquiry sa pagkakatuklas ng Intellectual Property Rights Division of the Customs Intelligence and Investigation Services sa isang warehouse sa Valenzuela na umano’y ginagamit bilang imbakan ng illegally imported electronic cigarettes at vape products na hindi nagbayad ng tamang “duties at taxes.”
Sanib-puwersa naman ang IPRD-CIIS, Formal Entry Division ng Port of Manila at Philippine Coast Guard Task Force Aduana, kasama ang BOC sa pagpapalabas ng Letter of Authority para mag-demand ng mga dokumento bilang proof of payment ng duties at taxes, at inspeksyunin ang tatlong bodega.
Lumitaw sa inspeksyon na may 14,000 kahon ang naglalaman ng 1.4 milyong piraso ng 10 milliliter disposable vape na may markang “Flava” na tinantyang may halaga na P700M at may excise tax na nagkakahalaga ng P728 milyon.
Samantala, natuklasan na ang office address ng Flava Corporation ay 150-sqm two-story commercial-residential house at ang deklaradong manufacturer address ay isang “two-storey residential house showing no capacity to manufacture and accommodate machinery,” ayon sa report.
Matatandaang sa isinagawang pagdinig noong Disyembre 12, 2023, isang kinatawan ng Flava Corporation ang nagpatotoo na “they procure their products through third-party importers – even when Flava Corporation’s brands are licensed as being domestically manufactured.”
Sinabi sa report na ang pag-amin ay prima facie evidence ng pag-angkat ng electronic cigarettes nang walang licensed brand para mag- import.
Tinuran ng BIR na ang “Flava Corporation has no brands registered for importation. Therefore, they have no authority to import vapor products into the country.” KRIS JOSE