Manila, Philippines- Nanawagan ng dagdag na suporta ang 132 GP (Galing sa Puso) Partylist para sa mga estudyante sa ilalim ng flexible learning scheme upang magkaroon ng dekalidad na edukasyon para sa mga Pilipinong mag-aaral.
Ang panawagan ay kasunod ng ulat na pamamahagi ng Department of Education ng mahigit 87 milyong modules at 74,000 tablets sa mga estudyante sa ilalim ng flexible learning.
Sa kabila ng pagkilala ng 132 GP partylist sa inisyatiba ng gobyerno, idiniin ng first nominee nitong si Atty. JP Padiernos na simula pa lang ito ng mas maraming inisyatibang kailangan upang matugunan ang krisis sa edukasyon.
“Isa itong magandang hakbang pero marami pang kailangang abutin ang ating kampanya para sa pagbibigay ng dekalidad na edukasyon sa mga kabataan,” pahayag ni Padiernos.
Ayon kay Padiernos, dapat na maglaan ng mas mataas na badyet sa educational initiatives ang gobyerno dahil maraming mga Pilipinong mag-aaral ang nananatiling nasa laylayan.
Base sa 2022 World Bank report kaugnay ng learning poverty, 9 sa 10 na Pilipinong mag-aaral ay hindi nakababasa o nakaiintindi ng simpleng sulatin sa edad na 10.
Sinabi ni Padiernos na ang pamimigay ng mga learning tools ay kahanga-hanga ngunit hindi ito sapat upang matugunan ang mas malaking isyu sa sistema ng edukasyon.
Nanawagan ang abogado sa gobyerno na lalo pa nitong paigtingin ang mandato ng 1987 Philippine Constitution na nagsasabing dapat na bigyan ng pinakamataas na prayoridad ang edukasyon sa national budget.
“Edukasyon ang susi sa magandang kinabukasan ng mga kabataan. Ito ang susi sa progresong inaasam ng ating bansa. Sa pamamagitan ng mga magagandang inisyatibong tutugon sa suliraning pang-edukasyon, nalalapit na rin ang magandang kinabukasang inaasam natin para sa bawat Pilipinong mag-aaral,” dagdag pa niya.
Binanggit din ng 132 GP Partylist ang problema sa kakulangan ng mga impraktrasturang magagamit ng mga mag-aaral.
Ayon sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), may kakulangan ng mahigit 165,443 classrooms ang Pilipinas na siyang dahilan upang maging “aisle learners” o estudyanteng nag-aaral sa overcrowded at masikip na lugar ang lagpas 5.1 milyong estudyante.
Dagdag pa rito, ang Basic Education Facilities Fund na siyang umabot ng Php 118 bilyon noong 2017 ay binawasan at naging Php 28 bilyon na lamang ngayong taon dahil sa underutilization na lalong nagpalugmok sa sitwasyon ng edukasyon sa bansa.
Isinaad ni Padiernos na kailangang magkaroon ng government action at matagal na pagpa-plano upang matugunan ang mga suliraning ito.
Mananatili umano ang 132 GP Partylist sa misyon nitong maging tagapagtaguyod ng educational reforms na siyang magsisiguro na magkakaroon ng dekalidad na edukasyon ang bawat mag-aaral anoman ang learning setup ng mga ito. RNT