MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na na-detect na o nakapasok na sa bansa ang COVID-19 subvariant KP.2 na kabilang sa tinatawag na “FLiRT” variants.
Ayon kay DOH Assistant Secretary Albert Domingo, ang pinakamaagang sample collection date para sa KP.2 sa bansa ay May 2024.
Sinabi ni Domingo na maaaring mayroon nang kaso ng KP.2 nang mas maaga pero dahil sa limitadong sequencing ay hindi agad ito natukoy at naiulat.
Binanggit ang kamakailang sequencing data mula sa University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC), sinabi ng DOH na ang dalawang kaso ng KP.2 pati ang 30 mga kaso ng JN.1 at dalawang kaso ng JN.1.18 ay iniulat noong nakaraang buwan.
Ang KP.2 ay kasalukuyang variant under monitoring ng World Health Organization (WHO).
Nobyembre 2023 naman ang pinakamaagang sample collection date ng JN.1 sa Pilipinas.
Ang bagong kaso ng COVID-19 ay patuloy na tumataas sa nagdaang lingo na may kabuuang 2,235 mga kaso na naitala mula May 21 hanggang 27. Ito ay isinasalin sa average ng 319 kaso kada araw- na mas mataas kaysa nakaraang lingo na nasa 202 daily average.
Sa kabila nito, binigyang-diin ng DOH na wala pa ring ebidensya na nagpapakita na ang KP.2 ay nagdudulot ng malubha hanggang kririkal na COVID-19.
Pinapakita rin sa kamakailang datos na lahat ng rehiyon sa bansa ay nanatiling “low risk” para sa COVID-19.
Nakapagtala naman ng 20 pagkamatay kung saan ang lima sa kanila ay naganap noong May 14 hanggang 27.
Noong nakaraang buwan, inatasan ni Health Secretary Ted Herbosa ang Bureau of Quarantine (BOQ) na magsagawa ng masusing screening sa points of entry para sa dumarating na bisita mula sa mga bansa kung saan natukoy ang bagong FLiRT variants.
Noong Miyerkules, sinabi rin ng DOH na bukas ito sa paggawa ng mga pagbabago sa kasalukuyang badget nito upang matugunan at mabawasan ang mga posibleng epekto sa bansa ng mga bagong variant ng COVID-19 na tinaguriang “FLiRT”.
Maaalala na sinabi rin ni Health Secretary Ted Herbosa noong Disyembre 2023 na hindi naglaan ang DOH ng anumang budget para sa procurement ng bagong COVID-19 vaccines para sa 2024. Jocelyn Tabangcura-Domenden