Home NATIONWIDE Flood control efforts nagpapatuloy sa tag-ulan — Malakanyang

Flood control efforts nagpapatuloy sa tag-ulan — Malakanyang

282
0

MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na nananatiling prayoridad ng pamahalaan ang flood mitigation habang tanggap na ang malakas na pag-ulan sa gitna ng pagsisimula ng klase ngayong taon.

Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, isinasagawa na ang major infrastructure works at nakumpleto na ang master plans para sa river basin systems sa buong bansa.

Sinimulan na rin aniya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga flood control projects, at marami sa mga ito ay kumpleto na.

“Matagal na pong direktiba ng Pangulo ito,” ayon kay Castro.

Kabilang sa mga tinukoy na proyekto ay ang konstruksyon ng 2,339.76-square-meter concrete slope protection sa kahabaan ng Bagac-Mariveles Road sa Bataan.

Sinabi pa niya na natapos na rin ng DPWH ang individual master plans para sa bawat isa sa 18 major river basins ng bansa. Ito’y customized base sa “specific characteristics and needs” ng bawat lugar.

Inaasahan na ang mga blueprint ay magsisilbing gabay sa localized flood control responses at risk management efforts sa mga susunod na buwan.

“Although hindi natin masasabing 100 percent agad na mababawasan ang pagbabaha sa ating bansa, pero patuloy pa rin po ang pagsasagawa ng DPWH para po maibsan ang problema rito,” ang dagdag na wika ni Castro.

Sa kabilang dako, pinaigting naman ng Department of Science and Technology (DOST), sa pamamagitan ng state weather bureau PAGASA, ang public weather awareness, kasama ang pag-rollout ng bagong monitoring at alert tools bilang bahagi ng National Typhoon and Flood Awareness Week (TFAW).

Ani Castro, ang tema ng programa na “Kahandaan sa Bagyo at Baha, Solusyon sa Ligtas na Bayan,” ay nagbibigay-diin sa pagsisikap na makagawa ng mahalagang weather data na mas magiging accessible sa publiko.

Kabilang sa mga inisyatiba na ipinakilala ay ang National Hydro-Met Observing Network, isang interactive platform na dinisenyo para mangolekta at mamahagi ng mahalagang impormasyon.

Isang centralized alert system naman ang inilunsad para tulungan ang mga residente na makatanggap ng real-time updates sa malalalang weather events.

At para bantayan ang food shortages, sinabi ni Castro na tiniyak ng Department of Agriculture (DA) sa publiko na nananatiling sapat ang suplay ng bigas sa bansa.

“Okay naman po ang supply ng ating bigas sa kasalukuyan,” pagtiyak ni Castro.

Samantala, inihanda na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang feeding programs bilang antisipasyon sa displacement o iba pang hamon sa apektadong komunidad.

Muli namang in-activate ng Department of Health (DOH) ang rainy season disease prevention drive nito.

Ani Castro, kabilang dito ang “Taob, Taktak, Tuyo, Takip” at “Alas-Kwatro Kontra Mosquito” campaigns, na naglalayong itigil ang paglaganap ng mosquito-borne at waterborne illnesses sa panahon ng wet season. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here