Home HOME BANNER STORY NCRPO: Index crimes bumaba ng 8% sa Metro Manila

NCRPO: Index crimes bumaba ng 8% sa Metro Manila

MANILA, Philippines – Bunsod ng kautusan ni Philippine National Police (PNP) chief General Nicolas D. Torre III sa mabilis na pagbibigay ng serbisyo publiko, inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) regional director P/Maj. Gen. Anthony A. Aberin ang pagbaba ng krimen sa Metro Manila ng walong porsiyento o sa 8 Focus Crimes.

Batay sa comparative analysis na isinagawa sa dalawang magkakasunod na 17-araw na yugto mula Mayo 16–Hunyo 1 at Hunyo 2–Hunyo 18, 2025, na naitala sa pamamagitan ng Crime Information Reporting and Analysis System (CIRAS), ang kabuuang insidente ng krimen ay bumaba mula 270 hanggang 247.

Sa mga kategorya ng krimen, ang kaso ng reyp ay bumaba mula 28 patungong 18, homicide mula 41 hanggang 31, at robbery naman mula 43 ay bumaba sa 34.

Naitala ang pagbaba ng kriminalidad matapos ang pag-upo ni Torre bilang PNP Chief noong Hunyo 2, 2025, kung saan ang maagang pagbabago ay iniuugnay sa implementasyon ng kanyang 3 Core Leadership Pillars: Swift at Responsive Modernization. Ang mga pillars na ito ay nagpapakita ng proactive operations, propesyonalismo ng mga pulis, gayundin ng moderno at makataong pagpapatupad ng batas.

Sa mga police district sa NCR, ang Northern Police District (NPD) ang nakapagtala ng pinakamababang bilang ng kaso sa focus crimes—mula 56 ay bumaba ito sa 29 sa ikalawang yugto.

Pinagtibay ni Aberin ang buong suporta ng NCRPO sa lahat ng programa ng kapulisan at sa pamumuno ng Chief PNP.

“While there is decrease in index crimes, the objective of the Chief PNP, PGEN TORRE III is to go beyond statistics, and ensure that the swift and responsive service of the PNP will translate to a genuine feeling of safety and security of the people. This will be the anchor of our actions and our ultimate direction,” ani Aberin.

Samantala, patuloy ang panawagan ng NCRPO sa publiko na magbigay ng suporta sa crime prevention sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga aktibidad ng mga kriminal at kaduda-dudang pagkilos sa opisyal na hotlines o sa simpleng pag-dial sa 911.

Dagdag pa ni Aberin, sa matibay na pagsasama-sama at sa pananatili ng presensya ng kapulisan sa lansangan, mapananatili ng NCRPO ang pagbibigay ng seguridad at kaligtasan sa buong Metro Manila. (James I. Catapusan)