MANILA, Philippines – Humiling si Senador Bam Aquino ng eksaktong detalye ng badyet matapos magkasundo ang mga mambabatas na ilipat ang multi-bilyong pondo mula sa mga flood control project tungo sa implementasyon ng Free College Education Law.
Sa isang pahayag, sinabi ni Aquino — pangunahing awtor ng Free College Education Act — na kailangang magtakda ang Kongreso ng malinaw na budget requirement sa 2026 national budget upang matugunan ang kakulangan ng pondo sa sektor ng edukasyon.
Ayon sa senador, layunin ng panukala na palakasin at palawakin ang Libreng Kolehiyo program, kabilang na ang mga scholarship at subsidy initiative ng gobyerno, upang mas maraming kabataang Pilipino ang makapagpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo.
“Sa ganitong paraan, magkakaroon ang Senado ng malinaw na batayan sa pagtukoy kung magkano ang kinakailangang pondo upang ganap na masuportahan ang programa at matiyak na mas maraming estudyante ang makikinabang sa Republic Act No. 10931 o ang Free College Law,” paliwanag ni Aquino.
“We want to expand the program and we can do that, considering na may budget tayo ngayon — meron tayong pagkukuhanan sa flood control,” dagdag pa niya sa pagdinig ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education.
Bilang principal sponsor ng Libreng Kolehiyo Law noong 2017, iginiit ni Aquino na ang pagtatakda ng tiyak na halaga ay magtitiyak na ang mga benepisyaryo ay magpapatuloy sa pagtanggap ng tulong hanggang sa kanilang pagtatapos.
“May pondo po tayo. But let’s make it clear — gusto po natin, iyong mga estudyante may nakukuhang tulong, tuloy-tuloy iyong tulong, at sapat para makapagtapos sila,” aniya.
Hinimok din ng senador ang Commission on Higher Education (CHED) at iba pang kaukulang ahensya na magpulong at magkasundo sa isang eksaktong halaga na ipagtatanggol nila sa 2026 budget deliberations.
“When you come back to us, it’s a number that you all agree on. Kami po, ipaglalaban talaga namin ’yan. We will really do our best to fund this properly, but we need to see the proper numbers, the proper basis, the proper logic,” giit ni Aquino.
Binigyang-diin din ng senador ang pangangailangang itaas muli ang pondo para sa Tertiary Education Subsidy (TES), na bumaba umano sa nakalipas na dalawang taon, upang matiyak na ang mga mahihirap ngunit karapat-dapat na estudyante ay patuloy na makatatanggap ng tulong.
“We’re concerned about the lowering of the budget for the TES. Ang layunin natin ay itaas ito para siguradong lahat ng nangangailangan ay makakakuha ng tulong,” saad ni Aquino.
Dagdag pa niya, dapat tiyakin ng gobyerno na ang mga estudyanteng kabilang sa 4Ps at iba pang nangangailangan ay patuloy na matutulungan ng TES at ng Tulong Dunong Program (TDP).
“Kung may TES ka sa unang taon, dapat tuloy-tuloy iyon hanggang makatapos ka. Kapag binababa po ang halaga ng tulong, nagugulo ang pamilya — napipilitang umutang o maghanap ng bagong trabaho ang mga magulang,” paliwanag ng senador.
Ipinahayag din ni Aquino ang pag-aalala sa mga estudyanteng napilitang huminto sa pag-aaral dahil sa pagbawas ng saklaw ng TES at nanawagang tiyakin ang tuloy-tuloy na suporta hanggang sa kanilang pagtatapos. Ernie Reyes