MANILA, Philippines – Binigyan ng Department of Transportation (DOTr) ng limang araw ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang ipaliwanag ang kakulangan ng mga pampasaherong sasakyan (PUV) sa mga pangunahing kalsada, partikular sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Ayon kay DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez, hindi tugma ang bilang ng mga prangkisang inilabas ng LTFRB sa aktwal na dami ng mga bumibiyaheng PUV. “Kailangan kong makuha ang tamang datos at malaman ang problema—kulang ba tayo sa tao, may kakulangan ba sa kakayahan, o may problema sa monitoring?” ani Lopez sa Unang Balita.
Dagdag niya, hindi nagtutugma ang resulta ng manual audit ng DOTr at LTFRB kaya’t ipinag-utos niya ang pagpapaliwanag. “Kailangan nilang maramdaman na may nagbabantay at may agarang aksyon na kailangang gawin,” wika niya.
Nilinaw naman ng LTFRB na hindi sila inaakusahan ng DOTr ng anumang pagkakamali, kundi hiningan lamang ng datos at paliwanag ukol sa mga hamon sa pampublikong transportasyon.
Tiniyak ni LTFRB chair Teofilo Guadiz III na itutuloy ng ahensya ang Public Transport Modernization Program (PTMP) sa kabila ng mga panawagan para siya’y magbitiw. “Ang Pangulo lang ang puwedeng magsabi kung magre-resign ako o hindi. Sa ngayon, itutuloy natin ang modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan,” ani Guadiz. RNT