MANILA, Philippines – Lumabas sa pagdinig ng Sandiganbayan nitong Lunes na ang sinasabing P92.8-milyong flood control project sa Pandi, Bulacan na iniuugnay sa graft at malversation cases laban kay former senator Bong Revilla ay naiulat na 95.17 percent complete lamang makalipas ang 21 araw mula nang maipalabas ang notice to proceed.
Nabunyag ito sa bail hearing sa Third Division ng Sandiganbayan. Tumestigo si National Bureau of Investigation (NBI) agent Ivan Bernard Samson, na nakatalaga sa Bulacan, na ang notice to proceed para sa proyekto ay inilabas noong Abril 8, 2025 at idineklarang 95.17 percent done pagsapit ng Abril 29, kahit maaari pa umano itong tumagal nang hanggang 270 araw batay sa itinakdang maximum period.
Ayon sa ulat, sa cellphone video na kuha sa unang inspeksyon ni Samson noong Setyembre 16, 2025, maputik na gilid ng ilog ang makikita sa halip na halos tapos nang flood control project. Nang tanungin ni Associate Justice Ronald Moreno kung sang-ayon siya na hindi 95 percent complete ang proyekto, sumagot si Samson: “I agree, your honor. That is not 95 percent [complete].”
Nakapagpiyansa na si Revilla ng P90,000 para sa graft charge, ngunit nananatili siyang nakakulong dahil non-bailable ang malversation case, ayon sa mga ulat.
Kinumpirma rin ni Samson sa pagdinig na walang ipinadalang subpoena ang NBI kay Revilla, taliwas sa iba nitong co-accused. Nang tanungin kung bakit, sinabi niyang ito ay dahil ang “weight of evidence [against Revilla] is sufficient for prosecution.” Dagdag pa niya, ginamit ng NBI ang testimonya ni former Public Works undersecretary Roberto Bernardo bilang ebidensya laban sa dating senador. Si Bernardo ay naideklara na ring state witness.
Samantala, itinanggi ng lead counsel ni Revilla na si Atty. Francesca Senga ang mga akusasyon laban sa dating senador at tinawag ang mga ito na “hearsay” mula sa isang “unbelievable and unreliable source,” ayon sa ulat. Santi Celario