Binigyang-diin ng isang mataas na opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na ang katiwalian sa kaban ng bayan at malalang korupsyon sa flood control projects ang nagdudulot ng pagdurusa sa mga mamamayan.
Sa Facebook page ni CBCP President Kalookan Bishop Pablo Virgilio Cardinal David, sinabi nito na naiwasan sana ang malawakang pagbaha na nararanasan sa malaking bahagi ng Metro Manila at karatig-lugar kung hindi napunta sa korapsyon ang kaban ng bayan.
Pinuna ni Cardinal David ang substandard flood control projects ng pamahalaan, lalo na sa Malabon at Navotas na kapwa nasasakop ng Diyosesis ng Kalookan, na muling nalubog sa baha ang mga komunidad at maging ang mga simbahan.
Giit ng Cardinal, higit na pinalala ng katiwalian sa pamahalaan ang masamang epekto ng climate change na nagdudulot ng mas malalakas na bagyo sa kasalukuyang panahon.
Lalo pa aniyang pinasama ng korapsyon ang climate change habang pag-aaksaya lamang ng pondo ng pamahalaan ang substandard flood control.
Sa kabila ng bilyong pisong halaga ng mga flood control projects sa bansa, partikular na sa Kalakhang Maynila, ay wala pa rin aniyang pagbabago ang sitwasyon sa bansa sa tuwing mayroong sama ng panahon.
Binigyang-diin ni Cardinal David na dapat kasama sa “flood control” projects ang corruption control. Jocelyn Tabangcura-Domenden