MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na wala pang opisyal na minority report sa Senate Blue Ribbon Committee inquiry sa flood control, at tinawag niyang “media report” ang dokumentong inilabas nina Senators Rodante Marcoleta at Imee Marcos.
Paliwanag ni Sotto, ayon sa patakaran ng Senado, ang minority report ay kinikilala lamang kapag naisumite na ang pangunahing committee report at naipag-ugnay na sa plenaryo.
Iginiit niya na wala siyang maalalang natanggap na opisyal na minority report at aniya, ang kahit committee o majority reports ay walang bisa hangga’t hindi ito naisusumite sa Bills and Index at naituturing sa plenaryo.
“Unless it is an official report already in the Bills and Index, at sinubmit na, at itin-take up namin in plenary, then may weight na yan… but at the moment it’s a media report,” ani Sotto.
Nauna nang naglabas ng dokumento sina Marcoleta at Marcos na kanilang tinawag na minority report kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control, at sinabi nilang ito ay naisumite sa Office of the Senate President noong Disyembre 10, 2025.
Sinabi ni Marcos na sang-ayon siya sa nilalaman ng dokumento at binigyang-diin ang pangangailangan ng komprehensibo at walang takot na imbestigasyon upang panagutin ang mga mastermind.
“Tama ang diin ng minority report na tanging isang komprehensibo, patas, at walang takot na imbestigasyon ang makakasiguro na ang tunay na salarin — ang mga mastermind — ang dapat managot,” sabi ni Marcos.
Ayon naman kay Marcoleta, ginamit ang terminong “minority report” kahit wala pang main committee report dahil sa mga limitasyon sa proseso sa ilalim ng patakaran ng Senado.
“Kasi kung gagawin natin legal ito, hindi pa kami pwedeng maglabas kasi kailangan matapos talaga ‘yung Committee Report,” ani Marcoleta.
Sinabi rin ni Sotto na limitado ang oras sa nakaraang pagdinig at maaaring talakayin pa ang mga hindi natugunang isyu sa mga susunod na sesyon.
“Kulang na kulang ang oras. Umattend sila sa susunod para ‘yung mga kulang, maupuan nila,” aniya. RNT