Home METRO Flyovers inihahanda para sa ‘The Big One’

Flyovers inihahanda para sa ‘The Big One’

MANILA, Philippines- Makikita ang mga sasakyan na dumaraan sa kahabaan ng EDSA-Kamuning flyover nitong Martes. Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority na pansamantalang isasara ang southbound lanes ng EDSA-Kamuning flyover sa Quezon City para kumpunihin simula Mayo 1. Danny Querubin

MANILA, Philippines- Pinatitibay ng Pilipinas ang ilang flyover sa Metro Manila bilang paghahanda sa malakas na lindol na tinaguriang “The Big One”, ayon sa public works department nitong Martes.

Nauna nang sinabi ng state seismologists na inaasahan na ang muling paggalaw ng Marikina West Valley fault line, isa sa aktibong faults sa bansa, dahil hindi ito gumalaw sa loob ng 200 taon. Nagbabala si Phivolcs Director Teresito Bacolcol na mag-iiwan ang magnitude 7.2 na lindol sa Metro Manila ng hindi bababa sa 34,000 pagkasawi at 114,000 sugatan sakaling maganap ang tinatawag na “The Big One.”

Ani Public Works Secretary Manuel Bonoan, kinakailangan ang retrofitting ng EDSA-Kamuning flyover at mga katulad na istraktura sakaling tumama ang isang malakas na lindol.

“We have to do it right away. Matagal na natin pinaplano ‘yan…Mas mabuti na ‘yung maagap na nagpe-prepare especially kapag pinag-uusapan yung ‘The Big One’ para structurally fit ‘yung mga flyovers along EDSA,” aniya sa isang panayam.

Idinagdag niya na sinasamantala ng DPWH ang “good construction weather” bago magsimula ang tag-ulan.

Nakatakdang umarangkada ang retrofitting ng EDSA-Kamuning flyover sa April 25, 2024 at tatagal hanggang sa Oktubre.

“Ang mangyayari dito redecking, papalitan ‘yung kongkreto sa taas, lane by lane, ‘yung deck mismona dinadaanan ng sasakyan. Kukumpunuhin din namin sa baba, patitibayin yung girder sa baba,” wika ng DPWH chief.

Kasunod nito ay ang retrofitting ng Guadalupe Bridge, gamit ang financial assistance mula sa Japanese government.

Kailangan ding palitan ng DPWH ang expansion joints ng Magallanes Flyover, na makukumpleto sa loob ng isang buwan.

Gayundin, tinatapos na ng DPWH-NCR ang curing ng EDSA-Pasay flyover, kung saan bubuksan lahat ng lane sa Miyerkules, April 24. RNT/SA