MANILA, Philippines- Bilang mga potensyal na lider sa hinaharap, binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga kabataang mag-aaral ang kahalagahan ng pagseserbisyo na may malasakit sa pamamagitan ng pagbibigay-prayoridad sa pangangailangan ng mahihirap, lalo ng mahihinang sektor ng lipunan.
Ginawa ni Go ang pahayag sa pagdalo niya sa “Samahang Mag-aaral ng Pulitika Timon Festival” ng University of Mindanao Political Science Department 2024 bilang panauhin sa Davao City noong Sabado, Abril 20.
Idiniin sa pagtitipon ang kahalagahan ng pampulitikang diskurso at ang pagkamit ng akademikong kahusayan ng mga mag-aaral sa unibersidad.
Tinalakay ng mga mag-aaral at guro sa pagtitipon ang mas malalim na pag-unawa sa dinamika ng pulitika at ang papel ng kabataan sa paghubog ng hinaharap na pampulitikang tanawin ng Pilipinas.
Sa pagpapahayag ng pasasalamat sa pagkakataong magbigay ng inspirasyon sa mga kabataan, itinampok ni Go ang kanyang pangako sa paglilingkod sa bayan nang may dedikasyon sa pagsusulong ng mga proyektong tumutugon sa kapakanan ng bawat Pilipino.
Hinimok ni Go ang mga mag-aaral na magpursige sa kanilang pag-aaral tungo sa pagbuo ng magandang kinabukasan para sa kanilang mga pamilya at komunidad.
“Malay n’yo, pagdating ng panahon, kayo rin ay magiging konsehal, kayo ay maging congressman, kayo ay maging mayor, kayo ay maging senador… tandaan ninyo itong aking sasabihin sa inyo. Mahalin n’yo po ang ating kapwa Pilipino, hinding-hindi kayo nagkakamali. Dapat itong public service ay may pagmamahal, mula sa puso at pagmamalasakit sa kapwa Pilipino,” iginiit ni Go.
Ang pagdiriwang ay nagbigay din ng plataporma sa mga mag-aaral na makipag-ugnayan sa mga matatag na personalidad sa pulitika. Layon din nitong magbigay ng inspirasyon sa kanila na maging aktibong kalahok sa mga gawaing pampulitika at pamamahala.
Ang Unibersidad ng Mindanao ay umaasa na malinang ang isang henerasyon ng matatalino, may pokus, at responsableng pinuno sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga masugid na kabataang isipan at batikang policy makers.
Sa pagkilala sa mga sikolohikal na hamon ng mga mag-aaral habang pinag-iisipan ang kanilang mga responsibilidad sa akademiko, ipinaglaban ni Senator Go ang pagpapabuti ng mga serbisyo sa mental health sa mga institusyong pang-edukasyon. Siya ay kabilang sa mga may-akda ng Senate Bill No. 2598, o ang State Universities and Colleges (SUCs) Mental Health Services Act.
Layon nitong lumikha ng Mental Health Offices sa bawat SUC campus sa buong bansa kung magiging batas. Ito ay magbibigay ng malawak na suporta sa kalusugan ng isip at interbensyon para sa mga mag-aaral, guro, at kawani.
Itinaguyod din ni Go ang pag-institutionalize sa Alternative Learning System (ALS) at pagpapahusay ng educational access para sa mahihirap na estudyante sa pamamagitan ng pagsusog sa Republic Act (RA) 11510.
Binanggit din niya na noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ipinasa ang RA 10931, na kilala bilang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Malaki ang naitulong ng batas na ito sa mga mahihirap na estudyante sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng edukasyon sa mga lokal na kolehiyo, unibersidad, at state-operated technical vocational institutions. RNT