Home HOME BANNER STORY Piston sa SC: Petisyon vs PUVMP aksyunan na

Piston sa SC: Petisyon vs PUVMP aksyunan na

MANILA, Philippines -Nanawagan ang mga progresibong transport group sa Supreme Court na agad magpalabas ng temporary restraining order (TRO) laban sa kontrobersyal na public utility vehicle (PUV) modernization program.

Ang panawagan ng grupong PISTON ay isinagawa sa isang kilos-protesta sa harap ng SC.

Bunsod ito ng nalalapit na April 30 franchise consolidation deadline para sa mga dyip at UV Express units.

Kasunod ito ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na palalawigin ang franchise consolidation.

Ayon kay PISTON deputy secretary general Ruben Baylon, maaaring malubog sa utang ang mga operator dahil sa iniuutos na konsolidasyon sa ilalim ng PUVMP.

Habang papalapit aniya ang deadline ay magkahalong pangamba at kawalan ng katiyakan ang nararamdaman ng mga drayber at operator.

Magugunita na nakabinbin sa SC ang petisyon ng PISTON na humihiling na maglabas ang Korte ng TRO.

Disyembre pa naihain ang petisyon ngunit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa naglalabas ng desisyon ang SC.

Umaasa ang PISTON na ipatitigil ng SC sa Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang pagpapatupad na modernization program. Teresa Tavares