MANILA, Philippines- Upang matiyak ang mababang presyo ng bigas, inaprubahan ng National Price Coordinating Council (NPCC) ang isang resolusyon para himukin ang Department of Agriculture na magdeklara ng “food security emergency” sa bigas dahil sa mataas pa ring presyo nito sa kabila ng bumababang pandaigdigang presyo at binawasang taripa na iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Trade and Industry Secretary Ma. Cristina Roque na siya ring NPCC Chairman, ang deklarasyon ay magbibigay-daan sa National Food Authority na maglabas ng kanilang reserba ng bigas upang patatagin ang lokal na presyo. Papalitan ng NFA ang ilalabas na bigas ng lokal na produksyon upang suportahan ang mga magsasakang Pilipino.
“Ang deklarasyon ay magbibigay-kapangyarihan sa DTI para gumawa ng determinadong hakbang upang protektahan ang kapakanan ng consumer habang pinapalakas ang sektor ng agrikultura. Sa pamamagitan ng pagbibigay prayoridad sa ani ng mga lokal na magsasaka, maaalagaan ang isang matibay at idependent na Bagong Pilipinas – na titiyak sa katatagan at kasaganaan para sa consumer at sektor ng agrikultura,” ang pagbibigay-diin ni Roque.
Kaugnay nito, malugod namang tinanggap ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang resolusyon na aniya ay isang mahalagang hakbang upang matugunan ang mataas na presyo ng bigas. Tinukoy ng kalihim ang mga isinusulong na hakbang ng DA, kabilang na ang pagtatakda ng maximum suggested retail price (SRP) na P58 per kilo para sa imported na bigas, epektibo ngayong January 20. Ang hakbang na ito ang titiyak para manatiling kumikita ang mga magsasaka.
Nabatid na sa ilalim ng Rice Tarrification law, limitado ang papel ng NFA sa pagbili ng palay sa mga lokal na magsasaka at mag-imbak ng bigas. Hindi ito maaring direktang magbenta ng bigas sa publiko. Kapag nagdeklara ng food security emergency ay pansamantalang mapapalawak ang kakayayahan ng NFA.
Binigyang-diin ni Secretary Tiu Laurel ang mas malawak na pakinabang sa ekonomiya ng abot-kayang presyo ng bigas, at magkakaroon ng mas magandang epekto sa inflation at sa interest rate policies ng Bangko Sentral ng Pilipinas. “Kahit hindi ka kumakain ng kanin, ang mababang presyo ng bigas ay makakatulong upang mapatatag ang ekonomiya,” anang kalihim.
Sa kasalukuyan ay mayroong imbak na 300,000 metriko toneladang bigas ang NFA. Kapag ipinalabas ito ay makakatulong na mapaluwag ang mga warehouse nito bilang paghahanda sa nalalapit na anihan sa Pebrero. Santi Celario