MANILA, Philippine- Naharang ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang isang babaeng biktima ng trafficking makaraang makumbinsi na maging surrogate mother sa pamamagitan ng dating app kung saan nakatakda na umano itong sumailalim sa IVF procedure, noong Enero 14.
Ayon sa BI, Ang 34 taong gulang na biktima, na ang pagkakakilanlan ay itinago, ay nagtangkang sumakay ng Turkish Airlines flight papuntang Cyprus.
Sa isinagawang preliminary inspection, sinabi ng biktima na isa siyang solo traveler sa isang leisure trip ngunit napigil matapos hindi sinasadyang magharap ng isang imbitasyon sa IVF clinic, na sumasalungat sa kanyang kwento.
Lumabas sa imbestigasyon na pumayag ang biktima na maging surrogate para sa isang taong nakilala niya sa isang dating app, na may ipinangakong ₱300,000 na payout pagkatapos ng panganganak.
“The scheme continues to thrive, leading to a rise in online offers for surrogacy or IVF-related services, with victims often coerced into passing certain laboratory assessments,” ani BI Commissioner Joel Anthony Viado.
“We warn females not to be tempted to agree to such schemes as this is a clear form of trafficking,” dagdag pa ng BI chief.
Ang biktima ay isinangguni sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang tulong dito. JR Reyes